top of page

Basta okay daw sina Ria at Zanjoe… ROBI, NAGSALITA NA SA AWAY NILA NI JOHN LLOYD

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Melba R. Llanera @Insider | January 21, 2026



Robi Domingo - FB.jpg

Photo: File / Robi Domingo - FB



“My stand is as long as Ria and Zanjoe are okay, then I’m okay. ‘Yun ang pinakamahalaga. The Atayde family is okay, the Marudo family is okay. For me, there’s nothing to worry about,” ito ang naging pahayag ni Robi Domingo sa eksklusibong panayam ng PEP.ph nang tanungin ang Kapamilya TV host tungkol sa nabalitang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila ni John Lloyd Cruz na naganap sa nakaraang after party ng church wedding nina Ria Atayde at Zanjoe Marudo noong nakaraang December 22, 2025.


Ayon sa lumabas na balita, si Robi ang tumayong host nu'ng araw na iyon at matapos tanungin si Ria kung ano ang pakiramdam na maging Mrs. Marudo ay sinundan niya ito ng biro kay Zanjoe at tinawag na ‘Mr. Atayde’. 


Diumano, hindi ito nagustuhan ng A-list actor. Pagkababa ni Robi sa entablado at pagpunta nito sa bar area ay lumapit si John Lloyd at nagtaas umano ng boses at kinompronta si Robi, dahil hindi niya nagustuhan ang sinabi nito na wala raw sa lugar.


Diumano ay sumagot si Robi at nagtanong kung may isyu ba sa kanila ni John Lloyd at dito ay nagpalitan na sila ng mga salita. Nagulat ang maraming bisita at balita na isa sa mga umawat at nagpababa ng tensiyon ay si Donny Pangilinan. Pinagsabihan umano ang dalawa na igalang ang kasal ng mag-asawa at dito ay unti-unti ring bumaba ang tensiyon.


Sa kabilang banda ay excited naman ang Kapamilya TV host dahil 20 weeks nang nagdadalantao ang asawa nitong si Maiqui Pineda at inaasahang manganganak sa June o July. 


Bukas na aklat naman na may dermatomyositis si Maiqui, isang autoimmune disease kung saan nagkakaroon ng panghihina ng mga kalamnan, inflammation o pamamaga at skin rashes. Wala ring lunas ang naturang karamdaman at bihira ito.


Ibinahagi ni Robi na sumailalim muna sa treatment ang asawa at nang bigyan sila ng go signal ng doktor na puwede na silang mag-anak, makalipas ang ilang buwan ay nagbuntis na nga si Maiqui. 


Ayon pa sa TV host ay nagkaroon ng clinical remission ang kanyang asawa. Hindi man masasabing tuluyang nawala ang sakit, maayos naman ang kalusugan ni Maiqui at aktibo pa rin ito at pumapasok sa kanyang trabaho.


Nakaranas ng morning sickness si Maiqui noong first trimester ng pagbubuntis ngunit sa kasalukuyan ay nabawasan na ito. 


Wala rin itong partikular na pinaglilihian at nahihilig lamang sa maaalat at matatamis na pagkain.


Sumang-ayon din si Robi nang tanungin kung lalo bang lumalim ang pagmamahalan nila ni Maiqui. Matagal na umanong subok ang kanilang relasyon dahil hindi niya iniwan ang asawa at pinakasalan pa rin ito sa kabila ng autoimmune disease nito.


Sa ngayon ay trabaho-bahay ang routine ng Kapamilya TV host. Bukod sa nais niyang laging updated sa kalagayan ni Maiqui ay lilipat din ng bahay ang mag-asawa at kasalukuyan nila itong ipinapa-renovate. 


Tuluy-tuloy din ang mga proyekto ni Robi Domingo sa ABS-CBN kung saan regular siyang napapanood sa Pinoy Big Brother (PBB) at A.S.A.P.



MASAYA at lalong inspirado namang maglabas ng mga bagong original compositions ang bandang Inner Voices ngayong nakuha ng kanilang mga kanta na I Will Wait For You in the Rain at Shadows ang puwesto sa Vibe PH. 


Nagpahayag ng pasasalamat ang grupo sa kanilang mga tagahanga at sa mga sumuporta sa kanilang mga kanta at gigs. Kahanga-hanga na sa kabila ng ilang dekada sa industriya ay nananatiling matatag at buo ang Inner Voices.


Ayon kay Atty. Rey Bergado, ang sikreto ng kanilang matibay na samahan ay ang malalim na pagkakaibigang nabuo sa kanila. Wala ring lugar ang kompetisyon at inggitan dahil may kani-kanya silang career sa labas ng showbiz. 


Makikita rin ang pagbibigayan at kawalan ng sapawan sa pagitan ng mga miyembro.


Sa tanong kung hindi ba sila nainip sa matagal na panahong itinakbo bago sila mas nakilala ng publiko, sinabi ng grupo na hindi nila naramdaman ang pagkainip dahil ine-enjoy lamang nila ang kanilang ginagawa at masaya sila tuwing nagpe-perform para sa mga tao.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page