‘Sumbong Sa Pangulo’ website, tulong para iwas-katiwalian
- BULGAR
- 15 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 12, 2025

Sa bawat pisong pondo ng bayan na nanggagaling mismo sa mga ibinabayad na buwis, nararapat lamang mapunta sa tunay na kapakinabangan ng mamamayan, at ang pagbubukas ng isang website na magsisilbing makabagong sandata ay dapat para labanan ang katiwalian.
Hindi na lamang basta reklamo sa social media o bulung-bulungan sa kanto ang laban kontra sa substandard na imprastraktura, dahil may direktang daluyan na para makarating sa pinakamataas na opisina ng bansa ang bawat sumbong. Pero nakasalalay pa rin ang tagumpay nito sa katapatan ng mga Pilipinong mag-uulat at sa determinasyong tugunan ng gobyerno ang mga sumbong. Kaya inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang “Sumbong Sa Pangulo” website, isang online platform na magbibigay daan sa publiko upang masubaybayan at i-report ang mga proyektong pangkontrol sa baha sa kani-kanilang lugar.
Sa gitna ng kanyang pahayag laban sa substandard na flood control projects na binanggit sa kanyang ikaapat na SONA, sinabi ng Pangulo na personal niyang babasahin ang bawat ulat. Maaari itong salain ayon sa rehiyon, lungsod, uri ng proyekto, at taon ng pondo, at may opsyon din upang magpasa ng larawan, video, at detalyadong report.
Sa paunang datos ng Malacañang, 20% ng halos 10,000 flood control projects na nagkakahalaga ng mahigit P100 bilyon mula 2022 ay napunta lamang sa 15 kontraktor. May mga ulat din ng magkakaparehong presyo para sa iba’t ibang lokasyon at maraming proyektong walang malinaw na deskripsyon ng ginagawa.
Tinukoy ng Pangulo na may mga indibidwal at korporasyong sangkot umano sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na balak nang i-blacklist. Kasabay nito, hinikayat ni PBBM ang publiko na gamitin ang platform upang makapag-ambag sa pagtuklas ng anomalya. Binigyang-diin din niya na mas mabisang makita ang problema kung maraming mata ang nakabantay, at handa siyang isama sa reporma kahit ang mga kaalyado kung napatunayang sangkot sa katiwalian.
Ang “Sumbong Sa Pangulo” ay maaaring maging makasaysayang hakbang tungo sa mas transparent na pamamahala, subalit ito ay mananatiling simbolo lamang kung walang malinaw at mabilis na aksyon mula sa mga nasa posisyon.
Hindi sapat na makita ang problema — kailangan itong resolbahin nang may tapang at katarungan. Sa bawat ulat na isusumite, may pag-asang mabawasan ang katiwalian at mapabuti ang kalidad ng imprastraktura. Gayunpaman, ang laban na ito ay hindi lang laban ng pinakamataas na lider, kundi laban ng bawat Pilipino. Kung kaya nating gawing ugali ang pagiging mapagmatyag at responsable, maipapamana natin sa susunod na henerasyon ang isang gobyernong mas tapat at epektibo ang pamamahala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments