Sumasalakay na naman ang puting van na nangingidnap
- BULGAR
- Oct 3, 2022
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 3, 2022
Kahuhupa lang ng tensyon hinggil sa white van kidnapping matapos na paninindigan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na fake news umano ang naglalabasan sa social media at ang iba naman ay luma at naresolba na.
Matindi ang alalahaning dulot ng white van kidnapping dahil marami sa ating kababayan ang labis na nag-aalala, partikular ang mga magulang lalo pa't may face-to-face classes na at maraming mag-aaral ang naglalakad lamang pauwi ng bahay.
Hindi maampat sa social media ang balita tungkol sa white van kidnapping at nailathala sa mga pahayagan noong Agosto 9, 2022 na may 15-anyos na babae ang dinukot ng ilang lalaki na lulan ng puting van na naganap araw ng Linggo, Agosto 7, alas 7 ng gabi sa Ormoc City, Leyte.
Natagpuan ang biktima kinabukasan, Agosto 8 sa Bgy. Camp Downes sa nasabi ring lugar at agad itong isinumbong ng kanyang ama sa Ormoc City Police Station 1 na isa namang patunay na totoong may white van kidnapping.
Upang magkaroon ng kaliwanagan at mapahupa sana ang kabang nararamdaman ng publiko hinggil sa kasong ito ay minarapat kong padalhan ng sulat ang pamunuan ng PNP upang bigyang-linaw ang lahat kung may katotohanan ngunit mariin pa rin silang nanindigan na walang white van kidnapping.
Ito rin ang dahilan kaya naghain tayo ng Senate Resolution N0. 27 na naglalayong imbestigahan ang sunud-sunod na insidente ng kidnapping at iba pang kriminalidad sa bansa na naglalabasan hindi lang sa social media kung hindi maging sa mga pahayagan, radyo at telebisyon.
Hindi ba’t sa halip na magbigay ng konkretong ulat hinggil sa mga naglalabasang balita ay itinuro pa ng PNP ang ilang dayuhang nagtatrabaho umano sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na silang magugulo at sila-sila rin ang sangkot sa kidnapping.
Napunta sa POGO ang init ng imbestigasyon na ilang araw ding pinag-usapan sa media at ang resulta ay tuluyan nang naglaho ang kaso tungkol sa white van kidnapping dahil nagsanga-sanga na ang kuwento patungkol sa POGO.
Kasunod nito ay naglabas ng babala ang PNP na humihikayat sa mga netizen na maging maingat sa pag-share ng impormasyon sa social media para maiwasan umano ang masampahan ng kaso dahil sa paglabag sa anti-cybercrime laws ng bansa.
Ito ay matapos atasan pa ng PNP Anti-Cybercrime Group ang lahat ng kanilang operatiba na palakasin pa ang cyber patrolling at beripikahin lahat ng video na kumakalat sa social media kasunod ng paglaganap ng fake news at isa na umano ang white van kidnapping.
Mukhang epektibo naman ang ginawa ng PNP dahil saglit na humupa ang kasong ito at kahit paano ay napawi nila ang pangamba ng publiko na walang nagaganap na kidnapping gamit ang puting van.
Kaso paano na naman nila itatanggi ang lumabas na balita sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog noong nakaraang Martes na isang 32-anyos na lalaki ang dinukot na naman sa Cuenca, Batangas.
Base sa pahayag ng ilang residente, ang biktima ay tinangay ng apat hanggang limang lalaki na pawang mga nakasuot ng bonnet na lulan ng puting van habang naglalakad sa kahabaan ng Barangay Poblacion Uno ng bayang nabanggit.
Ang pangyayaring ito ay agad na ini-report ng mga nakasaksing residente sa Cuenca PNP na sila na mismong nagpapatunay na talagang totoo ang insidente at nagbigay pa ng pahayag na wala pa rin silang pagkakakilanlan sa mga salaranin hanggang sa kasalukuyan.
Ang masakit pa sa pangyayaring ito, sinuportahan pa natin ang PNP sa kanilang pahayag na fake news lang ang mga naglalabasang balita hinggil sa white van kidnapping kaya nga hinamon pa natin sila na dapat ay maaresto ang nagpapakalat ng fake news.
Sa panahong ito na malaki ang kinahaharap na problema ng ating mga kababayan hinggil sa patuloy na paghina ng piso laban sa dolyar na buong mundong nararanasan ay hindi na tama na makadagdag pa sa isipin ng mga magulang ang banta sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kailangan ngayon ng sambayanan na maramdaman na mayroong alagad ng batas na nagbabantay sa kapaligiran at kaligtasan ng lahat upang mapawi ang muli na namang nagsiklab na pangamba dahil sa pinakabago na namang insidente ng kidnapping.
Sa halip na magpalabas ng panibagong press release para pagtakpan o iliko na naman ng PNP ang pangyayaring ito ay mas makabubuti kung tutukan nila at pag-ibayuhin ang imbestigasyon para madakip ang mga salarin.
Habang blanko pa ang PNP kung sino ang nasa likod ng kidnapping at kung ano ba talaga ang katotohanan sa likod ng sunud-sunod na pagdukot gamit ang puting van ay makabubuting magdoble-ingat ang lahat para hindi tayo maging biktima.
Panahon na para matapos ang pangambang nararanasan ng publiko, dapat dito ay resulta at hindi pag-aanunsiyo ng panibagong kaso para lamang mapagtakpan na naman ang pangyayaring ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments