top of page

Paniningil ng doble-pasahe sa plus-size na pasahero, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 25, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahon kung saan isinusulong ang pantay na karapatan para sa lahat, nakakabahala ang mga report na may ilang driver ng public transport ang naniningil ng dobleng pasahe batay lamang sa laki ng katawan ng pasahero. Kamakailan, tumanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga reklamo ukol sa umano’y paniningil ng sobra sa mga plus-size o overweight na pasahero. 


Lumabas din sa mga ulat na sinisingil umano ng dalawang beses ang pamasahe ng ilan, kahit isang tao lang ang sakay. Makatarungan ba ang maningil ng double fare dahil sa timbang o hitsura ng pasahero? Isa itong malinaw na diskriminasyon na tinututulan ng kagawaran. 


Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, anuman ang laki ng isang pasahero, ang pamasahe nito ay sumasakop sa isang tao lang. Ang kaugaliang ito na sobrang paniningil ay hindi lamang labag sa batas — ito ay discriminatory at fundamentally unjust.


Idinagdag din niyang ang ganitong gawain ay hindi makatarungan at hindi makatao. 

Binigyang-diin naman ng kagawaran na ang pampublikong transportasyon ay para sa lahat — walang pinipili at walang pinapaboran. 


Anumang uri ng pagbabago sa pamasahe, lalo na kung nakabatay sa pisikal na anyo ng pasahero, ay malinaw na paglabag sa regulasyon ng LTFRB at sa prinsipyo ng pantay na karapatan. 


Binalaan din ng LTFRB ang mga operator at driver ng mga pampublikong sasakyan na kung mapapatunayang sangkot sa ganitong gawain, maaari silang patawan ng multa, suspensyon, o tuluyang pagbawi ng kanilang prangkisa. Hinimok naman ni Guadiz ang publiko na huwag lang manahimik. Kung makaranas o makasaksi ng ganyang uri ng overcharging o diskriminasyon ay agad itong ireklamo. 


Hindi tama na makaranas ang bawat pasahero ng hindi pantay na pagturing o diskriminasyon. Kahit pa sabihing malaki ang pangangatawan nito at doble ang sasakuping puwesto sa pampublikong sasakyan. Sakali man, hayaan na lamang natin na magkusa ang pasahero na magbayad ng double fare, dahil sa ganu’ng paraan ay masasabing hindi siya pinilit ng driver o konduktor.   


Para naman sa mga driver at operator, maging higit na sensitibo sana sa kanilang mga pasahero. Huwag maging choosy o mapili. Kumbaga, kapag malalaki ang nakikitang pasahero ay hindi pasasakayin o kaya naman ay sisingil ng dobleng pasahe. Alalahanin sana na may parusang naghihintay sa sinumang mapatunayang lumabag sa naturang batas.


Hindi dapat ginagamit na batayan ang pisikal na anyo sa pagturing ng maayos sa isang pasahero. Ang sinumang tao — payat man o mataba, maliit man o malaki — ay may karapatang sumakay sa pampublikong sasakyan nang patas at may dignidad. 

Sa kinauukulan, tandaan lagi na tungkulin ninyo na tiyaking hindi na muling mauulit ang ganitong uri ng diskriminasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page