Suliranin sa salary loan ng empleyado na tinanggal sa trabaho
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 10, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay regular na manggagawa na nagkaroon ng utang sa aking employer. Kaugnay nito ay may pinirmahan akong salary loan na kung saan pumayag ako na bawasan ang sahod ko kada buwan ng P500. Noong isang buwan ay biglaan na lamang akong tinanggal sa trabaho, dahilan upang hindi na ako makabayad sa aking loan. Kahapon ay nakatanggap ako ng sulat mula sa aking employer at ako ay sinisingil sa aking balanse. Wala na akong kakayanang magbayad dahil tinanggal nila ako sa trabaho. Ano ang maaari kong gawin? - Luis
Dear Luis,
Ang mga batas na sumasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R. A.) No. 386 o mas kilala bilang New Civil Code of the Philippines, at ang Presidential Decree (P. D.) No. 442 o mas kilala bilang Labor Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 1933 at Article 1306 ng New Civil Code of the Philippines ang sumusunod:
“Article 1933. By the contract of loan, one of the parties delivers to another, either something not consumable so that the latter may use the same for a certain time and return it, in which case the contract is called a commodatum; or money or other consumable thing, upon the condition that the same amount of the same kind and quality shall be paid, in which case the contract is simply called a loan or mutuum…xxx
Article 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.” (Binigyang-diin)
Samantala, nakasaad sa Article 217 ng Labor Code of the Philippines:
“Art. 217. Jurisdiction of the Labor Arbiters and the Commission. a. Except as otherwise provided under this Code, the Labor Arbiters shall have original and exclusive jurisdiction to hear and decide, within thirty (30) calendar days after the submission of the case by the parties for decision without extension, even in the absence of stenographic notes, the following cases involving all workers, whether agricultural or non-agricultural: xxx
2. Termination disputes; x x x”
Ang inyong inilalapit na suliranin ay tumutukoy sa dalawang magkaibang kasunduan o kontrata. Ang isa ay ang contract of loan sa pagitan ninyo at ng inyong employer at ang ikalawa ay ang inyong contract of employment sa nasabing employer. Ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang inyong pinasok na kasunduan sa inyong employer ay maituturing na contract of loan na kung saan, ang magkabilang partido ay may layang gumawa at sumang-ayon sa mga kasunduang nakapaloob dito, maliban lamang sa mga itinakdang limitasyon ng batas. Samakatwid, ang inyong responsibilidad sa pagbabayad ng inyong utang ay nakapaloob sa inyong kasunduan at marapat ninyo itong bisitahin sapagkat ito ang mananaig sa usapin ng inyong pagkakautang.
Samantala, ang empleyado na tinanggal mula sa kanyang trabaho, nang hindi naaayon sa batas ay marapat na magtungo sa National Labor Relations Commission (NLRC) na siyang ahensiya ng gobyerno na nakasasakop sa nasabing suliranin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments