Substitutuion ng kandidato, dapat nang ipagbawal
- BULGAR
- Aug 8, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 8, 2024

Sa layuning ipagbawal ang pagpapalit o substitution ng mga kandidato para sa halalan dahil sa withdrawal ay pormal nang inihain ang panukalang batas sa Kamara de Representantes.
Ang House Bill 10524, isang act na nagbabago ng mga batayan para sa substitution of candidates ay inisponsor ng chairperson ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na si Rep. Maximo Dalog, Jr. at may-akda ng panukalang batas na si Quezon City Rep. Ma. Victoria Co Pilar.
Ang bill ay naglalayong amyendahan ang Omnibus Election Code at ipagbawal ang paggamit ng placeholders para sa mga kandidato para lamang palitan sa last minute ng ibang indibidwal matapos ang pag-withdraw ng orihinal na kandidato.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Dalog na pinapahina nito ang integridad ng ating electoral system habang sinisira ang tiwala ng publiko sa ating mga demokratikong institusyon.
Naglalayon ang panukalang batas na tanggalin ang withdrawal bilang batayan para sa pagpapalit at pagdaragdag ng permanenteng incapacity bilang isang balido o wastong batayan para sa substitution.
Sinabi rin ni Dalog na ito ay nagsisilbing safeguard laban sa manipulasyon at pang-aabuso sa proseso ng electoral. At kung maisasabatas aniya, maiiwasan nito ang mga walang konsensiyang indibidwal mula sa pagsasamantala ng mga butas sa sistema upang isulong ang kanilang sariling interes sa kapinsalaan ng transparency at pagiging patas.
Dagdag pa ni Co Pilar na ang House Bill 10524 ay naglalayon na itama ang direktang panlalamang at pagpapaikot sa ating batas na panghalalan sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagpapalit ng kandidato sa dahilan ng withdrawal o pag-urong ng kandidato habang itinatakda naman ang permanent incapacity bilang panibagong kondisyon para sa pagpapalit ng kandidato.
Mainam ang inihaing panukalang batas ng mga mambabatas na i-ban na ang substitution ng mga kandidato para sa eleksyon.
Kadalasan kasi ay nagagamit ito ng mga magkakapartido para magpalit-palit ng kanilang kandidato, na kung susuriing mabuti ay sila-sila pa rin ang mauupo sa puwesto matapos ang eleksyon kahit pa kapos o walang kakayanan.
Kumbaga, nagiging style na ito ng mga kandidato na kapag malapit-lapit na ang halalan ay magpapalit na sila o iba na lamang ang tatakbo sa kanilang partido, na tila nababarubal tuloy ang ating electoral system sa halip na mapalakas ito.
Gayunman, kung ang isang kandidato ay nabaldado at wala nang kakayahang mangasiwa sa kanyang nasasakupan, at nadisgrasya o namatay, maaari sigurong payagan ang substitution of candidate.
Sana lang ay agad na maisabatas ito bago pa magsimula at makapagsumite ang mga maghahain ng certificate of candidacy upang maging maayos ang ating eleksyon at mailuklok talaga ang karapat-dapat na kandidato na may malinaw na plataporma para sa ikauunlad ng ating sambayanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments