Subsidiya sa mga TELCOS para magkaroon ng WIFI sa liblib na lugar, inihirit
- BULGAR

- Oct 1, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 1, 2024

Sa hangaring palakasin ang internet connectivity sa buong bansa, iminungkahi ng mga telecommunications company na mabigyan sila ng subsidiya ng gobyerno para sa data plans ng karamihang Pilipino na nakatira sa liblib na lugar at mga komunidad na kulang sa serbisyo.
Batay sa telcos, kapag naaprub magbibigay sila ng SIM cards sa mga hindi konektadong Pinoy household na may automatic monthly load seeding na 50 gigabytes (GB) kada taon.
Ang nasabing SIM cards ay maaaring magamit na ng limang miyembro sa isang bahay at ikokonekta ang mga malalayong komunidad para magkaroon sila ng internet access sa edukasyon, healthcare, government services at economic opportunities.
Ayon sa mga naturang kumpanya, aabot sa 7,063 barangays ang itinuturing nilang geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) na binubuo ng nasa 25 milyong residente.
Matatandang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang susuportahan ang policy reforms para sa common towers na siyang magbibigay ng internet connectivity sa maraming Pinoy.
Marahil, makabubuting mabigyan ng subsidiya ng gobyerno ang mga telcos para maging maayos ang internet at WiFi sa ating bansa, at magkaroon naman ng access ang mga kakabayan nating nasa mga malalayo o liblib na lugar.
Kung tutuusin ay kailangan talaga ng tulong at suporta ng mga naturang kumpanya, at wala naman ibang puwedeng gumawa nito kundi ang pamahalaan.
Sana ay agad na madesisyunan ito ng kinauukulan habang umaasa ang taumbayan na maaaksyunan din nila ito sa lalong madaling panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments