ni Anthony E. Servinio @Sports | July 20, 2024
Laro ngayong Sabado – Xinzhuang Gym
5 p.m. Strong Group vs. Chinese-Taipei White
Kahit kulang ay nagtulungan ang Strong Group Athletics upang masugpo ang Japan Under-22, 92-79, sa pagpapatuloy ng 2024 William Jones Cup kahapon sa Xinzhuang Gym. May bagong bidang umusbong na si point guard DJ Fenner na malaking bagay sa ika-6 na sunod nilang panalo at paghahandaan na ang pinakamahalagang laro ngayong Sabado at Linggo.
Pumutok para sa 11 puntos sa pangalawang quarter si Fenner at pinalaki ang 22-18 lamang sa 54-36 pagsapit ng halftime. Mula roon ay itinatak ng mga beterano ng Strong Group ang kanilang kalidad laban sa mga biglang hindi makapormang batang Hapon sa pangunguna ni Chris McCullough na nagbagsak ng 10 sa pangatlong quarter.
Nagtapos si McCullough na may 26 habang nag-ambag ng 17 si Fenner. Sumunod si Jordan Heading na may 11, walo sa unang quarter. Nanguna sa Japan si Hiyuu Ozawa na may 17. Bumagsak ang mga Hapon sa 3-3 sabay laho ng pag-asa sa korona.
Si Fenner ay 6’6” at anak ni Derrick na naglaro ng 10 taon sa National Football League bilang running back at kanyang Pinay na asawang si Carolyn.
Nanigurado ang koponan at ipinahinga si import Tajuan Agee na may karamdaman matapos ang higanteng inilaro niya kontra Future Sports ng Amerika noong isang araw. Nagpapagaling din ng pilay sa kamay si Rhenz Abando habang masakit ang tuhod ni Ange Kouame.
Masusubukan ang Strong Group sa tapatan nila ngayong Sabado kontra Chinese-Taipei White. Kahit may kartadang 2-3 ay nananatiling delikadong kalaro ang mga Taiwanese na sasandal sa kanilang mga tagahanga.
Kung magwawagi ang Athletics ay paghahandaan nila ang dambuhalang salpukan sa kapwa walang talo na Chinese-Taipei Blue (5-0) para sa kampeonato sa Linggo. Ang may pinakamataas na kartada matapos ang tig-8 laro ay tatanghaling kampeon.
Comments