STL-con jueteng, start na sa teritoryo ng Pamilya Cayetano
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 08, 2021
DATI STL-CON JUETENG LANG ANG NAMAMAYAGPAG, NGAYON PATI ONLINE SABONG AT PERYA NG BAYAN-CON JUETENG, HATAW NA RIN—Dati ay Small-Town Lottery (STL)-con jueteng at bookies lang ang mga pasugalang namamayagpag sa bansa, pero sa panahon ni P-Duterte, nadagdagan ito ng online sabong at “Perya ng Bayan”-con jueteng.
Halos isang taon na lang sa poder si P-Duterte kasi sa June 30, 2022 ay tapos na kanyang termino, at sa pagbaba niya sa puwesto ay tila mapabibilang ang “online sabong” at “Perya ng Bayan”-con jueteng sa iiwan niyang legacy sa mga Pinoy kasi ang dalawang bagong pasugalang ito na ang pinagkakakitaan ng milyun-milyon ng mga gambling lords ay pumatok nang todo sa mga sugarol, boom!
◘◘◘
STL-CON JUETENG, START NA SA TERITORYO NG PAMILYA CAYETANO—Nag-open na ang operasyon ng STL-con jueteng sa Taguig City at dahil d’yan, start na rin ang mga gambling lords para huthutan ang mga taga-Taguig.
May permiso kaya ng magkakapamilyang pulitiko na sina Mayor Lino Cayetano, 1st Dist. Rep. Alan Cayetano at 2nd Dist. Rep. Lani Cayetano na magkaroon ng pasugalang STL-con jueteng sa Taguig?
Kung may permiso ay parang binigyan na rin nila ng “go signal” ang mga gambling lords na raketin ang kanilang kababayan kasi may kasabihan na wala namang nanalo sa sugal. At kung wala namang permiso, dapat gamitin nila ang kanilang power para ipa-stop ang STL-con jueteng sa Taguig, period!
◘◘◘
NANG IPATIGIL NI P-DUTERTE ANG STL-CON JUETENG, AKALA NG PUBLIKO AY TULUYAN NA ITONG NAHINTO, PERO NANG MAG-OPEN ULIT AY PARANG KABUTE NANG NAGSULPUTAN SA DAMI—Nang mag-start na ang operasyon ng STL-con jueteng sa Taguig, mag-o-operate na rin daw ang ganitong uri ng sugal sa iba pang lugar sa Metro Manila, na kinabibilangan ng Muntinlupa City, Parañaque City, Las Piñas City at Pasay City.
Noong ipatigil ni P-Duterte ang operasyon ng STL-con jueteng noong July 27, 2019 dahil illegal ito, ang akala ng publiko ay tuluyan na itong hindi mag-o-operate, pero nang i-aprub ng pangulo noong August 22, 2019 na muling ibalik ang operasyon nito ay para na itong kabuteng nagsusulputan sa mga probinsiya, at ang masaklap, pati Metro Manila ay pinasok na ng mga gambling lords, buwisit!
◘◘◘
HINDI MATITIGIL ANG HAWAAN SA VIRUS DAHIL SA DAMI NG MGA KUBRADOR NA NAGBABAHAY-BAHAY PARA MAGPATAYA—Hindi lang STL-con jueteng ang malayang nakapag-o-operate ngayon, kundi pati ang “Peryahan ng Bayan”-con jueteng nina “Mat”, “Fajardo” at “Chito” sa Pangasinan; “John Yap” at “Manalac” sa Cavite at Rizal; at “Renen” sa Caloocan City, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Sa dami ng mga pasugalang STL-con jueteng at “Perya ng Bayan”-con jueteng sa bansa, siyempre, sandamakdak din ang kubrador na nagbabahay-bahay para magpataya, at dahil nagkakaroon sila ng close contact sa mga mananaya, na nalalabag ang health protocols at social distancing ay asahan nang hindi matitigil ang hawaan sa virus sa tayaan sa STL-con jueteng at “Perya ng Bayan”, boom!





Comments