Start sa Nov. 15 — LTO... Nakainom na driver, Bawi-lisensya

ni Mervin Reyes @News | October 29, 2026

Photo: File / LTO
Simula sa Nobyembre 15, babawiin na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng mga driver na mahuhuling nagmamaneho habang nakainom at magpositibo sa mga itinakdang pagsusuri.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, bagama’t umiiral ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kailangang dumaan sa proseso ng korte ang pag-usig sa mga lumalabag. Saklaw naman ng LTO ang aksyon laban sa kanilang lisensya.
“'Yung mga driver na mahuhuli na nakainom at magpo-positive doon sa tatlong test, pati doon sa breath analyzer, ang mangyayari sa driver's license n'yan, mare-revoke,” ani Lacanilao.
Maaari pang iapela ang pagbawi ng lisensya. Dadaan ang kaso sa LTO Intelligence and Investigation Division at magkakaroon ng pagdinig bago maglabas ng resolusyon.
Gayunman, maaaring maging permanente ang pagbawi ng lisensya sa mas mabibigat na insidente, gaya ng aksidenteng may nasaktan o nasawi.
“Kung nakabangga sila, nakapatay sila, perpetual revocation,” ani Lacanilao.
Inaasahang makatutulong ang hakbang sa pagpapatupad ng batas laban sa drunk driving bago ang mas matinding daloy ng trapiko sa panahon ng Pasko. Ayon kay Lacanilao, naitala sa paglipas ng mga taon ang mga insidente ng drunk driving, at Cebu ang may pinakamaraming kaso.





Comments