Staff na lang daw niya ang ipinakakausap…

VICE, AYAW MAGING KA-CLOSE ANG MGA FANS NA TODO-ASA SA AYUDA NIYA
Julie Bonifacio - @Winner | February 14, 2021

Napanood namin ang episode ng It's Showtime last Friday kung saan isa sa mga contestants sa Tawag ng Tanghalan segment ang personal na nagpasalamat kay Vice Ganda.
Sinusuportahan pala ni Vice ang pag-aaral ng tatlong anak ng 50-year-old factory worker and part-time ice cream vendor na sumali sa TNT na si Herbie Pultam.
Nu'ng tinanong si Mang Herbie kung bakit siya sumali sa TNT, dito na nagsimulang ma-reveal ang pagtulong ni Vice sa kanyang pamilya for the last three years.
“Napakalaking oportunidad ng nangyaring ‘to. Bukod po sa gusto kong makasali rito at manalo, pinaka-number one po talagang sadya ko rito ay personal na makapagpasalamat sa inyo,” sabi ni Mang Herbie kay Vice.
Unang nagtagpo ang landas nila sa programa ng ABS-CBN na I Can See Your Voice hosted by Luis Manzano noong 2017. Nataon naman na si Vice ang celebrity player sa ICSYV.
Doon unang naikuwento ni Mang Herbie kung bakit siya sumali sa ICSYV. Malaking tulong daw ang nakuha niyang premyo, kahit 'di siya ang nanalo, para sa pampagamot ng misis niya at sa pag-aaral ng kanyang tatlong anak.
That time, nasa Grade 12 pa lang ang panganay, Grade 9 ang pangalawa at Grade 4 ang bunso na pawang nasa top honor roll sa school nila.
Agad na nag-alok ng tulong si Luis kay Mang Herbie para sa pagpapadoktor at sa mga gamot ng misis niya.
Si Vice naman ang nagsabi na may kapatid siyang doktor na puwede nang ilibre ang pagpapagamot ng misis ni Mang Herbie, kaya si Luis na lang daw ang bahala sa gamot.
Dagdag pa ni Vice, tutulungan na rin niya si Mang Herbie sa pag-aaral ng mga anak nito.
Hindi naman agad natandaan ni Vice ang una nilang pagkikita ni Mang Herbie. Tatlong taon na rin naman kasi ang nakaraan. At saka, ito palang si Vice, hindi niya kilala personally ang mga taong tinutulungan niya.
“Hindi ko kasi kilala ‘yung mga nasa scholarship ko. Hindi ko sila mini-meet, kasi ayokong ma-attach,” esplika ni Vice.
Ikinuwento naman ni Mang Herbie kay Vice ang tungkol sa kanyang mga scholars.
"Ngayon po, third year college na po 'yung panganay ko, 'yung sumunod po, first year college. Tapos 'yung bunso po, Grade 7."
Hindi pinalad na manalo si Mang Herbie sa daily round ng TNT, but at least, nagkita at nagkausap ulit sila ni Vice at pinasalamatan ang host.
"Sabihin n'yo po sa mga anak ninyo, galingan pa nila hangga't kaya ko pa po," mensahe ni Vice.
Sagot ni Mang Herbie, "Sabi ko nga po sa kanila, 'Pagbutihin n'yo para hindi nakakahiya kay Ma'm Vice.' Kaya lalo po nilang ginagalingan. Naobserbahan ko naman po habang tumatagal, tumataas naman po ang grades nila."
Hindi na napigilan ni Vice ang maiyak.
"Naiiyak tuloy ako," sambit niya. "Naaliw ako. Natuwa ako sa sarili ko ngayon."
Na-feel ng isa pa sa mga hosts ng It's Showtime na si Jhong Hilario ang saya sa puso ni Vice.
"Ang sarap kasi noon, Vice, eh. Kasi akala noong iba, nagpapatawa lang 'yang si Vice, nag-aano lang. Pero hindi alam ng tao na marami siyang tinutulungan na hindi niya kailangang mag-ingay. Ang sarap-sarap noon kapag sinabi 'Uh, Vice, eto na po ako, 'yung tinulungan mo. Lawyer na po ako.' Ang sarap pakinggan, eh," lahad ni Jhong.
Maraming beses na raw na nakaka-encounter si Vice na sinasabi sa kanya na natulungan niya, pero hindi niya kilala.
"Tapos, hindi ko talaga maalala. 'Ah, okey.' Kaya minsan, nahihiya ako. Akala nila, sinusupladuhan ko sila. Kasi hindi ko talaga maalaala. Kasi hindi ko talaga sila kilala personally. Kasi hindi rin talaga ako nakikipag-usap. Kasi, ayoko ng attachment. 'Yung nahihiya ako. 'Yung staff ko lang ang nakakausap nila."
Bukod sa patuloy na pagsuporta ni Vice sa pagpapaaral sa mga anak ni Mang Herbie, sinabihan din niya ang TNT contestant na magdala ng paninda niyang ice cream sa ABS-CBN once a month. Treat na raw 'yun ni Vice sa mga co-hosts at staff ng It's Showtime.
Sana all!





Comments