SSS, nagsagawa ng virtual Pensioners’ Day sa buong bansa
- BULGAR
- Aug 30, 2021
- 2 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | August 30, 2021

Hello, Bulgarians! Ang Social Security System (SSS) ay nagdaos ng sabay-sabay na virtual Pensioners’ Day sa lahat ng 176 na sangay nito sa buong bansa noong Agosto 25 upang makilala ang pangunahing papel na ginampanan ng mga pensiyunado sa ating lipunan.
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Aurora Ignacio, na ang bawat branch ng SSS ay nasa 150 hanggang 200 na retiree-pensioners ang sumali sa virtual event. “The Pensioners’ Day is our way of saying thank you to SSS pensioners. We know how hard they have worked during their working years and it’s just fitting to give them tribute through this activity,” pahayag pa niya.
Sa nasabing event, ang SSS ay nagkaroon ng mga virtual session kung paano maaaring magparehistro ang mga pensiyunado at gamitin ang My.SSS portal na maaari nilang makita sa website ng SSS (www.sss.gov.ph).
“We want our pensioners to learn how to use My.SSS since we are pushing to make all our transactions available online. With the help of My.SSS, they can have a safe and convenient way of transacting with us, at the comfort of their homes,” dagdag pa niya.
Sa okasyon, maraming pensiyunado ng SSS ang nagbahagi ng kanilang mga patotoo sa kung paano sila tinulungan ng Pension Loan Program (PLP) sa kanilang mga pangangailangan sa pananalapi.
Inilunsad ng SSS ang PLP noong Setyembre 2018 upang matulungan ang mga pensiyunado sa kanilang panandaliang pangangailangan sa pananalapi. Sa ilalim ng PLP, maaari silang umutang ng hanggang P200, 000, depende sa kanilang buwanang pensiyon. Maaari nilang bayaran ang pension loan na hanggang 24-buwan na may 10% rate ng interest bawat taon.
Gayundin, nagtampok ito ng usapan tungkol sa health and wellness ng mga kinatawan mula sa United Laboratories, Inc. (UNILAB), at Union Bank of the Philippines (UBP) na nagbigay ng panayam sa paggamit ng mga online platform.
Sa kasalukuyan, ang SSS ay mayroong 2.9 milyong pensiyunado kung saan higit sa 1.7 milyon ang tumatanggap ng retirement pension.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments