GAMOT claim, nabayaran ng PhilHealth bago ang 15 araw na commitment
- BULGAR

- Sep 13
- 2 min read
ni Fely Ng @Bulgarific | September 13, 2025

Hello, Bulgarians! Nagsagawa ang PhilHealth ng kauna-unahang pagbabayad nito sa ilalim ng GAMOT (Guaranteed Access to Medicines and Outpatient Treatment) program sa CGD Medical Depot Inc., isang retail na botika na accredited ng PhilHealth GAMOT na matatagpuan sa Ayala Malls-Vertis North sa Quezon City.
Para sa PhilHealth, ang isinagawang turnover ay bahagi ng kanilang pagtupad sa pangakong gawing abot-kamay ang mga gamot para sa bawat Pilipino.
Ang PhilHealth GAMOT ay komprehensibong outpatient drug benefit package na sumasaklaw sa mga mahahalagang gamot, ito ay sa ilalim ng pinalawak na primary care benefits na YAKAP.
Nagdagdag ito ng 54 na mahahalagang gamot mula sa kasalukuyang 21 gamot upang malunasan ang iba’t ibang karamdaman gaya ng infections (anti-microbial), asthma at COPD, diabetes, high cholesterol (dyslipidemia), high blood pressure at heart conditions (cardiology), at nervous system disorders, kasama ang iba pang supportive therapies.
Ang inisyatibang ito ay katuparan ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) na gawing abot-kaya at abot-kamay ang mga gamot para sa lahat.
“Hindi lang ito basta bayad sa serbisyong ipinagkaloob ng ating partner pharmacy. Ito ay pagtupad sa pangako na gawing abot-kamay ang gamot sa nangangailangan nito,” saad ni PhilHealth Acting President at CEO Dr. Edwin M. Mercado sa ginanap na turnover rites sa Lungsod ng Makati.
Sa pakikipagtulungan sa mga FDA-licensed retail pharmacies sa buong bansa, tinitiyak ng PhilHealth na madaling makukuha ng mga miyembro ang mga gamot na inireseta sa kanila sa pamamagitan ng mga accredited GAMOT facilities.
Upang magamit ang benepisyong ito, hinihikayat ang mga miyembro na i-download ang eGovPH mobile app upang makapag-register, makapili ng YAKAP Clinic o Primary Care Provider (PCP), at pag-iskedyul ng First Patient Encounter (FPE).
Nito lamang Setyembre 3, mayroon nang 41 operational GAMOT facilities sa National Capital Region (NCR), at inaasahang madadagdagan pa ang mga ito na handang tumugon sa naturang programa.
Inaanyayahan ang publiko na bisitahin ang link na ito: https://www.philhealth.gov.ph/partners/providers/facilities/accredited/GAMOT.pdf upang manatiling updated sa pinakabagong listahan ng mga accredited GAMOT facilities.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.










Comments