SSS, nag-alok ng Calamity Assistance sa mga apektado ng bagyong Odette
ni Fely Ng - @Bulgarific | January 20, 2022

Hello, Bulgarians! Nagsimulang mag-alok noong Enero 14, ang Social Security System (SSS) ng Calamity Assistance Package sa mga miyembro at pensiyunado na apektado ng Bagyong Odette.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio, na ang Calamity Assistance Package ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) at tatlong buwang advance pension para sa mga pensiyunado, na iaalok hanggang Abril 13, 2022, samantalang ang Direct House Repair and Improvement Loan para sa mga miyembro, sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay magbubukas sa mga kuwalipikadong miyembro sa loob ng isang taon pagkatapos mailabas ang SSS Circular No. 2021-020.
Maaaring maka-avail ng SSS Calamity Assistance Package ang mga miyembro at pensiyunado sa MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at CARAGA, gayundin sa iba pang lugar na idineklara ng NDRRMC na nasa state of calamity dahil sa bagyo.
“It is unfortunate that the recent typhoon affected the daily lives and livelihood of our members and pensioners in these several areas. Through the SSS Calamity Assistance Package, we can extend financial aid to our members and pensioners as they try to recover from the effects of Typhoon Odette,” saad ni Ignacio.
Ang member-borrower ay magkakaroon ng anim na buwang moratorium para sa buwanang amortisasyon at pagbabayad ng interest. Sisimulan lang nilang bayaran ang kanilang loan amortization sa ika-7 buwan mula sa pag-apruba nito at babayaran ng equal monthly installment.
Ang mga interesadong miyembro ay maaaring maghain ng kanilang aplikasyon sa Member Loans Department sa SSS Main Office para sa mga nasa NCR, o sa Housing and Acquired Asset Management Sections na matatagpuan sa SSS San Pablo para sa mga nasa Southern Luzon, SSS Cebu para sa mga nasa Central Visayas, SSS Bacolod para sa Western Visayas, SSS Davao para sa Southern Mindanao, SSS Cagayan De Oro para sa Northern Mindanao, at SSS Zamboanga para sa Western Mindanao.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph, sundan ang SSS sa Facebook sa “Philippine Social Security System - SSS,” Instagram at YouTube sa “mysssph,” Twitter sa “PHLSSS,” o sumali sa Viber Community nito sa “MYSSSPH Updates.”
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments