Spurs itinabla sa 2-2 ang West finals vs. Thunder
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2026

Photo: Dinedepensahang mabuti ng dalawang katunggaling Oklahoma City Thunder si Victor Wembanyama ng San Antonio Spurs sa NBA semis game na ito. (yahoosports)
Laro ngayong Martes - Rocket
8:00 NY vs. Cleveland
Ibinaon ng San Antonio Spurs ang World Champion Oklahoma City Thunder, 103-82, at itabla ang 2026 NBA Western Conference Finals sa 2-2 kahapon sa Frost Bank Center. Uuwi na ang OKC para sa kritikal na Game 5 sa Miyerkules.
Dumaan sa limang palitan ng lamang bago biglang bumaha ng 16 sunod-sunod na puntos ang Spurs para maging 23-8. Hindi na nakabangon ang Thunder mula roon at umabot ng 70-45 ang agwat sa pangatlong quarter.
Unang quarter pa lang ay 11 na si Victor Wembanyama at nagtapos na may 33 puntos. Sumuporta sina Stephon Castle at Devin Vassell na parehong 13.
Nalimitahan sa 19 lang si MVP Shai Gilgeous-Alexander at hindi na siya ipinasok sa buong huling quarter. Sumunod si Isaiah Hartenstein na may 12.
Samantala, pinarangalan din ang mga All-NBA kahapon. Nasa First Team sina SGA, Wemby, Cade Cunningham ng Detroit, Nikola Jokic ng Denver at Luka Doncic ng LA Lakers.
Binubuo ang Second Team nina Jaylen Brown ng Boston, Jalen Brunson ng New York, Kevin Durant ng Houston, Kawhi Leonard ng LA Clippers at Donovan Mitchell ng Cleveland. Ang lahat ng Third Team - Tyrese Maxey ng Philadelphia, Jamal Murray ng Denver, Jalen Johnson ng Atlanta, Jalen Duren ng Detroit at Chet Holmgren ng OKC - ay nakamit ang parangal sa unang pagkakataon.
Tampok ngayong Martes ang tapatan nina Brunson at Mitchell sa Game 4 ng East Finals. Maaaring tapusin na ng Knicks ang seryeng best-of-seven sa 4-0 ngunit gagawin ng Cavs ang lahat para manatiling buhay sa sariling tahanan.





Comments