top of page
Heart Evangelista.jpg

Spotted na magkasama sa Cebu… AIAH: WALANG MALISYA SA AMIN NI KYLE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 5, 2026



FRANKLY - AIAH WALANG MALISYA SA AMIN NI KYLE-FB BINI & Kyle Echarri

Photo: FB BINI & Kyle Echarri



Nilinaw agad ng P-Pop girl group BINI member na si Aiah Arceta ang tsismis tungkol sa kanila ng aktor na si Kyle Echarri matapos silang mamataang magkasama sa Cebu kamakailan.


Nag-viral kasi ang video ng dalawa na magkasama sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) kung saan makikitang naglalakad si Kyle habang nasa likuran naman si Aiah.

Nagkagulo na agad ang kanilang mga fans at super-react talaga sila. Dito na nga nagsimulang ma-link ang dalawa.


Lalo pang lumakas ang ingay nang may lumabas na larawan kung saan makikitang magkasama sina Aiah at Kyle sa isang beach trip with her friends.


Samu’t sari ang reaksiyon ng mga fans sa pagkaka-link ng dalawa, may pumapabor at meron namang nang-bash agad.


Pero bago pa man tuluyang lumaki ang tsismis ay naglabas na agad ng paglilinaw ang miyembro ng BINI. Aniya ay walang malisya ang kanilang pagsasama dahil magkaibigan sila.


“Kyle and I are friends and kapwa-Cebuanos, so no malice po,” saad ni Aiah.


Nagtungo ng Cebu si BINI Aiah para dumalo sa BaiCon, isang pagtitipon ng mga content creators, influencers, at digital communities sa Pilipinas.


Wala pang pahayag ang aktor na si Kyle Echarri tungkol sa isyung ito.





KATAKUT-TAKOT na papuri ang natanggap ng comedy film na Love, Ngo (LN) sa ginanap na red-carpet premiere night nito last Tuesday sa Cinema 2 ng SM Megamall.


Ang naturang pelikula ay pinagbibidahan ni Jerald Napoles kung saan gumaganap siya bilang isang ngongo o person with cleft lip and cleft palate.

In fairness to Jerald, pinatunayan niya rito na kaya niyang magdala ng isang buong pelikula.


Solid ang katatawanan sa movie na idinirehe ni Darryl Yap. Talaga namang napakaraming eksena na halos sumakit ang tiyan namin sa katatawa.

Riot ang eksena ni Jerald with Candy Pangilinan na hindi sila magkaintindihan sa kanilang pinag-uusapan. Walang tigil na tawanan ang maririnig sa sinehan.

Tawa rin kami nang tawa sa confrontation scene ni Jerald sa iba pang kapwa ngongo.


But to be clear, walang intensiyon ang pelikula na pagtawanan ang mga taong may ganitong kondisyon at in fact, naglalayon ang movie na magdulot ng awareness sa mga tao na hindi ito dapat maging hadlang upang makapamuhay nang normal.


Ipinaliwanag din sa movie kung paano nagkakaroon ng cleft lip o cleft palate ang isang sanggol.


Samantala, wala pa ring kupas si Gina Alajar na gumanap bilang nanay ng karakter ni Jerald. Pinaiyak nila ang audience sa kanilang husay sa isang heavy-drama scene.


After the screening, umani ng masigabong palakpakan mula sa audience ang direktor at buong cast ng pelikula.





TODO-TODO na ang excitement ng mga manonood para sa ABS-CBN primetime teleseryeng Coco Martin’s Sigabo matapos ilabas ang official poster at theme song nito.


Tampok sa poster ang maangas at nakakakilig na tambalan nina Coco Martin at Julia Montes kung saan astig ang kanilang pormahan at pareho silang may hawak na baril. Mula sa konsepto ni Coco ang poster at si Jun De Leon ang nagsilbing photographer.


“Happy ako na magkasama kami ni Julia sa poster. Nandu’n na lahat ng elements — ‘yung action, romance, tapos makikita mo ‘yung komunidad na gagalawan ng kuwento,” sey ni Coco sa interview ng TV Patrol.


Inilabas din ng CCM Film Productions ang behind-the-scenes pasilip sa photoshoot ng CocoJul (Coco at Julia), tampok ang iba’t ibang looks na may halong aksiyon at kilig na dapat ding abangan sa serye.


Nagpatikim din si Coco ng official theme song ng Sigabo na inilabas online na siya mismo ang nagsulat habang si Yeng Constantino ang kumanta, wala pang inilalabas na opisyal na title nito.


Mapapanood na simula Hunyo 22, 8 PM ang Coco Martin’s Sigabo sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, iWant, at Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube (YT).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page