Speed Skating, kinansela muna ang torneo dahil sa COVID-19
- BULGAR

- Oct 9, 2020
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | October 9, 2020

Inanunsiyo ng International Skating Union (ISU) ang desisyon nitong kanselahin at ipagpaliban muna ang ilang mga pangunahing pandaigdigang kompetisyong pampalakasan ngayong taon, kabilang na ang 2020 ISU World Cup Short Track Speed Skating dahil sa patuloy na pagkalat ng novel coronavirus sa buong mundo.
Nakatakdang ganapin ang 2020 ISU World Cup Short Track Speed Skating sa Disyembre 11-13 sa South Korea, habang kasabay din ng pagkansela sa 2020 ISU World Cup Short Track Championship sa Beijing, China sa Disyembre 18-20, na tatayo sanang qualifying event para sa susunod na Winter Olympics. “Considering the pandemic developments and related impact on the organizers and participants of ISU Events, the ISU Council decided to cancel or postpone the following ISU Events: ISU World Cup Short Track Speed Skating, Seoul, December 11-13, 2020 (cancelled),” ayon sa inilabas na statement mula sa ISU. “ISU World Cup Short Track, Beijing, December 18-20, 2020 (Olympic Test Event) (postponed),” dagdag pa sa ISU statement.
Naging malaking alalahanin para sa pagsasagawa ng Olympic Test event sa Beijing ay maaaring mababang bilang ng mga lalahok na koponan sa naturang kompetisyon sa mga nabanggit na petsa, kung saan malapit itong tumama sa katapusan ng taon, holidays at National Championships, na magkakaroon ng epekto sa bilang mga sasali, gayundin ang pag-intindi sa pagkakaroon ng quarantine ng mga ito pagdating sa kani-kanilang bansa. “The ISU, in consultation with all stakeholders and considering the pandemic developments, is evaluating the continuation of the 2020/21 season, in particular the re-scheduling possibilities for the important Olympic Test Events,” ayon pa sa statement.
Nauna ng kinansela ng ISU ang World Figure Skating Championship sa Montreal, Canada noong Marso bilang pag-iingat na rin sa naturang sakit. Matatandaang nagawa ng iurong ng International Olympic Committee (IOC) at Japanese organizers ang 2020 Tokyo Olympics sa susunod na taon sa pareho pa ring petsa na Hulyo 23-Agosto 8.





Comments