Sorry na lang, John Lloyd at Derek… ELLEN: WALA AKONG EX NA BINABALIKAN
- BULGAR

- Jun 20
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | June 20, 2026

Photo: Ellen Adarna - FB
Masayang kuwentuhan ang naging ganap sa ikalawang bahagi ng programang Kuan On One (KOO) sa YouTube (YT) ng komedyanang si Melai Cantiveros, kung saan naging panauhin ang aktres na si Ellen Adarna.
Sa panayam, napag-usapan kung paano si Ellen bilang isang karelasyon.
“Paano si Ellen Adarna bilang karelasyon?” tanong ni Melai.
Sagot ni Ellen, “Depende ‘yan sa partner mo. Kung masarap s’yang alagaan, aalagaan mo talaga s’ya. Kung ‘di s’ya masarap alagaan, ‘di mo rin aalagaan.”
Sinundan ito ni Melai ng tanong, “So, nakadepende sa partner kung paano ka makitungo sa kanya?”
“Oo, para gaganahan ka rin,” tugon ni Ellen.
Aniya pa, “Even with JL (John Lloyd Cruz), before nu’ng naghiwalay kami, magulo rin ‘yun for a time. Pero ngayon, okay na kami. Matagal na kaming okay bago pa ako ikinasal.”
Ibinahagi rin ni Ellen ang mga hamon ng co-parenting sa dating partner na si John Lloyd Cruz.
Aniya, “May challenges talaga ang co-parenting. Minsan, nakakainis dahil may gusto s’yang gawin na iba naman sa gusto mo. Pero ‘di namin paaabutin na mag-aaway kami ni JL.”
Naitanong din ni Melai kung ano ang mga palatandaan na handa nang bumitaw si Ellen sa isang relasyon.
“Ano’ng mga signs and symptoms na bibitaw ka na sa relasyon, na ito na ang final countdown?” tanong ni Melai.
Sagot ni Ellen, “Pagod na ako sa drama. ‘Yung drama at paulit-ulit na away, nakakapagod.”
Dagdag pang tanong ni Melai, “Pero ang love, kaya mo pa? Kaya mo pa bang ipaglaban ang love?”
“Ito ang delikado sa akin. ‘Pag nag-switch na ako ng button at sinabi kong ayoko na, ayoko na talaga. Off na. Done,” saad ni Ellen.
Nang tanungin kung nakikipagbalikan ba siya sa mga ex niya, mariing sagot ni Ellen, “Wala. Wala akong ex na binabalikan. ‘Pag tapos na, tapos na talaga. Ever since, ganu’n na ako.”
Sa nasabing panayam, napag-usapan din ang tungkol sa kasalukuyang buhay ni Ellen at kung maituturing niya itong pinakamagandang yugto ng kanyang buhay.
Tanong ni Melai, “Ngayong may anak ka na, masasabi mo bang ito na ang best life mo?”
Sagot ni Ellen, “Ito ang best life ko. Iba rin naman noong wala pa akong anak. Masaya rin ‘yun, party-party. Pero ngayon, mas meaningful, fruitful, at fulfilling.”
Naitanong din ni Melai kung ano’ng klaseng ina si Ellen sa kanyang anak.
“Ano’ng klaseng nanay si Ellen?” tanong niya.
“Chill lang. Siguro, nakuha ko ‘yun sa parents ko, lalo na kay Papa, na chill lang din. Ang difference lang, mas expressive ako with the kids, Elias,” ani Ellen.
Napag-usapan din ang usapin ng child support na minsang naging usap-usapan sa
social media.
Tanong ni Melai, “‘Yung sinasabing allowance na ibinibigay ni JL na ganu’n lang daw ang halaga dahil ‘yun lang ang kailangan mo?”
Paliwanag ni Ellen, “Hindi. Noong nasa Cebu pa ako, ‘yung bahay ko, everything paid by the company. So grocery lang talaga ang gastusin ko. ‘Di na n’ya kailangang magbayad para sa electricity o bahay. Toddler pa rin s’ya (Elias) noong time na ‘yun. Kaya P10 thousand lang. Kaunti lang din naman ang kinakain ng bata.”
Ibinahagi rin ni Ellen na si John Lloyd pa mismo ang nagmungkahi na dagdagan ang halaga.
“S’ya pa nga ang nagsabi, ‘P10 thousand lang? Puwede bang doblehin, ‘Len?’ Sabi n’ya, ang liit daw. Kaya sinabi ko, ‘Sige, pero hanggang d’yan lang, ha?’ ‘Yun ang paliwanag kung bakit naging P20 thousand ang halaga,” kuwento ni Ellen Adarna.
Well, in fairness kay John Lloyd Cruz, hindi lang siya mahusay na aktor, mahusay ding ama.
‘Di ba, beautiful Ellen Adarna?
‘Yun na!





Comments