top of page

Sorry, Barbie, iba raw ang priority… RICHARD, UMAMING ‘DI PA HANDANG MAGKAPAMILYA ULI

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 24 hours ago
  • 4 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | March 28, 2026



Richard Gutierrez - IG

Photo: Atty. Ferdinand Topacio - TWACOfficial IG



Panalo sa action at suspense at talaga namang heart-stopping ang mga eksena sa bagong seryeng unang pagsasamahan nina Richard Gutierrez at Gerald Anderson, ang Blood vs. Duty.


Napanood na namin ang first three episodes nito sa ginanap na special screening kahapon sa TriNoma Cinema at talaga namang mapapabilib ka sa production na bumubuo rito dahil parang malaking pelikula ang pagkakagawa at sabi nga ng mga kasabay naming nanood, next level of action ang inihatid ng ABS-CBN dito sa Blood vs. Duty kaya deserve talaga nitong mailagay sa unang time slot sa primetime after TV Patrol.


Yes, ini-announce nga rin sa mediacon kahapon after the screening na sa pagsisimula ng Blood vs. Duty on April 6 sa Kapamilya Channel, ito na ang unang mapapanood at pinalitan nito ang time slot ng The Alibi na pumalit din sa Batang Quiapo ni Coco Martin nang magtapos ito last March 13.


Kung matatandaan, napaiyak pa si Kim Chiu nang malamang ang The Alibi nila ni Paulo Avelino ang papalit sa iniwang time slot ni Coco dahil ibig lang sabihin nu’n, ‘yun ang magiging pambato ng primetime ng Kapamilya Channel.


Pero hindi pa nga nagtatagal ang saya ni Kim, mapapalitan na uli sila sa nasabing time slot.


Sobrang saya at proud na proud din naman si Richard na ang Blood vs. Duty nila ni Gerald ang unang serye na lalaki ang mga bida ang papalit sa time slot na matagal na pinagharian ni Coco Martin.


But in fairness, sobrang deserving nila dahil talaga namang ang ganda ng istorya at pagkakabuo sa Blood vs. Duty, hindi tinipid, magagaling ang bumubuo sa cast, may malakas na impact at social relevance at talagang tututukan mo.


Kaya nga biniro namin si Chard na dahil magkasama sila ng girlfriend na si Barbie Imperial sa serye kaya pala sobrang inspired siya at talagang nakatulong na mapaganda ang Blood vs. Duty.


Panay ang ngiti ni Richard na obyus ngang in love at hindi naman niya ipinagkaila ito. Pero aniya nang tanungin namin kung handa na ba siyang bumuo ng bagong pamilya uli, medyo nagulat ang napakaguwapo pa ring tatay nina Zion at Kai at aniya, hindi muna niya priority ngayon ang love life at okay na ‘yung ine-enjoy muna nila ni Barbie ang mga moments together lalo nga’t mas marami silang time ngayon dahil magkasama sila sa taping ng BVD.


Career ang focus ngayon ni Richard pero hindi naman daw siya nawawalan ng time sa mga anak at maayos ang co-parenting nila ni Sarah Lahbati.

May schedule sila para makasama ang dalawang bata at minsan nga raw ay isinasama pa ni Chard sa taping nila ng BVD sina Zion at Kai para mabigyan niya ng quality time.

Sabagay, bata pa rin naman si Barbie at bago pa lang sila ni Richard, so enjoy nga muna at career ang maging priority para mas maging stable pa sa showbiz ang pangalan ng mestizang aktres.


Anyway, Blood vs. Duty will premiere on April 3 on Netflix, April 4 on iWant, and April 6 on free TV (All TV2, Kapamilya Channel, A2Z, and Kapamilya Online Live) at 8 PM. Susundan ito ng The Alibi at 8:45 PM.


Kasama rin sa cast sina Bela Padilla, Jaime Fabregas, Rommel Padilla, Baron Geisler, Susan Africa at Bobot Mortiz,





ANG dami nang nakikisawsaw sa isyung hiwalay na raw ngayon sina Cong. Arjo Atayde at Maine Mendoza.


Kani-kanyang espekulasyon at gawa ng anggulo ang mga content creators at vloggers para lang pagkakitaan ang isyu ng mag-asawa.


Kaya naman para matuldukan na ang chismis na ‘to, tinawagan na namin ang PR ng pamilya Atayde na si kagandahang Chuck Gomez para alamin kung ano talaga ang totoong estado ng mag-asawa.


Bungad sa amin ni Chuckie, “‘Teh, hindi totoo! Actually, tinanong ko na nga rin si Ate Ibyang (Sylvia Sanchez) d’yan kung kailangan ba naming maglabas na ng statement para matapos na ‘yan. Ang sagot lang niya sa akin, ‘Hindi totoo. Gagah, ‘wag nang patulan!’”


Oo nga naman, kung wala namang katotohanan ang isyu, bakit kailangan pang maglabas ng statement? Ang mahalaga ay diretso na itong sinagot ni Ms. Ibyang para na rin sa katahimikan ng mga tsismosa.


Hangga’t hindi kasi nagsasalita sina Arjo at Maine o sinuman sa kanilang pamilya, hahanap at hahanap pa rin ng isyu ang mga may makakating dila para paghiwalayin sila. 


Devah? Ganyan naman sa showbiz, eh!





NATULOY na pala nu’ng Huwebes (March 26) ang second preliminary hearing sa Makati Prosecutors Office ng kasong isinampa laban sa sexy star-adult content creator na si Salome Salvi at sa kapwa niya adult content creator na si Tyo Bri (Brian Babilonia ang real name) dahil sa pag-a-upload nila sa social media ng mga malalaswang video materials na nakikita ng mga bata.


Matatandaang early this month, sinampahan ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) sina Salome at Tyo Bri ng violation sa Anti-Cybercrime Act dahil sa kanilang mga podcast na malalaswa at mahahalay diumano ang laman, na accessible sa mga bata at puwedeng mag-corrupt sa kanilang inosenteng pag-iisip.


Ayon sa founder at chairman ng KSMBPI na si Doc Michael Raymond Aragon, bago nila sinampahan ng kaso ang dalawa ay nagbigay-babala na sila sa mga ito pero hindi binigyang-pansin.


Pero nang makapag-file na nga ng formal complaint ang KSMBPI sa Makati Prosecutor’s Office, nakipagkita at nakipag-ayos naman agad si Salome sa grupo ni Doc Mike, at nangakong buburahin na ang mga adult content niya sa social

media.


Um-appear din si Salome sa ginanap na 2nd preliminary hearing kahapon sa Makati Prosecutor’s Office, pero si Tyo Bri ay hindi pa rin nagpapakita at binigyan ito ng ultimatum na um-appear sa third and final hearing sa April 16, 1:30 PM. 

Kapag hindi pa rin nagpakita ang adult content creator, maaari nang sumampa ang kaso sa Makati RTC at kapag nakitaan daw ng probable cause ang kaso ay puwede itong ma-warrant of arrest.


Samantala, sinabi rin ni Doc Mike na pagkatapos sampahan ng kaso sina Salome at Tyo Bri, isusunod na rin daw nila ang CinePop at T-Bone Entertainment na nag-e-air ng nasabing adult content ng dalawang personalidad sa social media para mapatigil na rin ang ginagawa ng mga ito.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page