Song Bird, pinakain ng alikabok si Runway
- BULGAR
- Apr 10, 2023
- 2 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 10, 2023
Ginulat ni Song Bird ang mga liyamadista matapos nitong silatin ang magkakamping Runway Ten at This Is Your Day sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Sinakyan ni jockey Rico Suson si Song Bird, nirehistro nito ang tiyempong 1:27.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si AK Castro ang P20,000 added prize.
Tumersero si Magic Show Time, pumang-apat si Mill Run habang pang-lima si Star Of India.
Samantala, nasilayan ng mga karerista ang husay ng dehadong si Easy Does It matapos nitong manalo sa White Castle Stakes Race na nilarga sa nakaraang Linggo sa parehong lugar.
Pang-apat na lumabas sa aparato si Easy Does It na nirendahan ni jockey Jomer Estorque upang panoorin ang nasa unahan na sina Easy Way, Atomic Bomb at Cash On Hand.
Pagsungaw ng rekta ay naagaw ni Atomic Bomb na ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez ang unahan.
Pagsapit ng huling 50 metro ng karera ay biglang umungos si Easy Does It upang tawirin ang meta ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Atomic Bomb.
"Magaling si Easy Does It sakto ang paremate ni Jomer (Estorque)," masayang saad ni Victor Villahermosa, veteran karerista.
Kinubra ng winning connections ni Easy Does It ang P900,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Terserong dumating si Easy Way habang pumang-apat si Cash On Hand.
Samantala, pitong karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Sabado kaya naman masaya muli ang mga karerista sa kanilang pananaya.





Comments