top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Solusyon sa nagbabadyang krisis sa pagkain

BULGAR
Aug 1, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 1 , 2022


Hindi pa tuluyang nakukumpleto ang pahahanda ng bagong administrasyon hinggil sa babala na nagbabadya ang krisis sa supply ng pagkain ay bigla na lamang tayong ginulat ng napakalakas na lindol noong Miyerkules.


Ayon sa Philippine National Disaster Risk Reduction and Management Center (PNDRRMC), mahigit sa 21,000 katao ang nakaranas at nakasaksi ng grabeng pagyanig at pagkawasak ng mga ari-arian na tinatayang aabot umano sa $687 milyong inprastrukturang hindi na pakikinabangan.


Kabilang sa mga nawasak ang napakaraming imprastruktura sa northern Luzon, mahigit sa 400 bahay, dose-dosenang paaralan, mga ospital, tulay at ang makasaysayang Vigan Cathedral, Banta Bell Tower at kinukumpirma pa ang ulat na may ilang gusali ng lokal na pamahalaan ang naapektuhan.


Dahil dito ay abalang-abala ang pamahalaan kung paano ireresolba at tutugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayang naapektuhan ng lindol at maging ang inyong lingkod ay nakatakdang bumisita ng personal para sa karagdagang tulong pa na kakailanganin.


Ngunit nauna rito ay hindi binalewala ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (P-BBM) ang babala ni dating Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar hinggil sa nagbabadyang krisis sa supply ng pagkain na mararanasan umano ng buong mundo sa huling bahagi ng 2022.


Dulot umano ito ng patuloy na COVID-19 pandemic at napakatagal ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia na labis na nakaapekto sa exportation ng agricultural commodities at pagtaas ng presyo ng petrolyo.


Kaya bilang mambabatas ay hindi puwedeng maghintay na lamang tayo sa kahihinatnan ng mga pangyayari dahil hindi biro ang babalang ito at mangyari man o hindi ay mas makabubuting maghanda tayo habang maaga pa.


Dahil dito ay naghain tayo ng Senate Bill No. 30 o ang “Right to Adequate Food Act” bilang preparasyon sa nagbabadyang krisis ng pagkain sa bansa upang mas maagang matugunan sakaling maging isa na itong ganap na batas.


Nakapaloob sa naturang panukala ang pagpapatupad ng mandato sa gobyerno na matiyak sa loob ng dalawa’t kalahating taon matapos itong maisabatas, ang insidente ng gutom ay mabawasan ng 25% mula sa pamantayan na una itong maranasan at panibagong 25% makaraan ang limang taon; panibagong 25% makaraan ang pito at kalahating taon, hanggang sa maging 0% na ang insidente ng gutom.


Mas makabubuti kasing direktang matugunan ang kakulangan sa pagkain at mahalagang tiyakin ang agricultural stability ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na produksiyon.


Ang global food supply shortage na nakakaapekto sa atin ngayon ay hindi natin kontoraldo dahil ito ay idinidikta ng global market forces. Pero kung itataas natin ang local production ng agricultural goods, mas magiging self-reliant tayo at mapapanatili ang abot-kayang presyo ng pagkain.


Mas makabubuti kung hindi na ito patatagalin pa dahil kailangang-kailangan ang mabilis na aksyon sa napipintong problemang paparating at hindi ‘yung kung kailan tayo naghihikahos ay saka tayo kikilos na mas malapit pa sa pagkakamali dahil natataranta pa.


Ilang araw lang ang pagitan ay isinumite rin natin ang ikalawang panukala na inaasahan nating makatutulong ng malaki sa nagbabadyang krisis natin sa pagkain at ito ang ‘Pantawid Magsasakang Pilipino Act’ na isa rin sa dapat bigyan ng prayoridad.


Layon nitong mabigyan ng conditional cash transfer ang mahihirap na magsasaka ng palay na magmumula sa taunang kita ng taripa mula sa importasyon ng bigas na labis sa P10 bilyong piso, depende sa bilang ng karapat-dapat na benepisaryo.


Ang bentahe nito ay maraming magsasaka ng palay ang makikinabang at mas lalo pang sisipagin ang mga ito para palaguin ang kanilang produksyon, lalo pa at marami ng magsasaka ang ayaw ng magsaka dahil sa pagkalugi.


Sa mga lalawigan ay ramdam ang kakapusan ng mga nais magsaka dahil hindi na umano sapat ang hanapbuhay na ito para makapamuhay ng maayos ang magsasaka kaya ang kanilang mga anak na dati’y tinuturuan nilang magsaka ay naghahanap na ng ibang hanapbuhay.


Kung mauubos ang mga magsasaka ay mas lalo tayong masasadlak sa kahirapan dahil kailangan pa nating umasa sa mga karatig-bansa natin para umangkat ng bigas na kaganapang hindi dapat mangyari.


Malaki ang magagawa ng panukala nating ito dahil mapalalakas natin ang sektor ng mga magsasaka upang maging katuwang ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis sa pagkain.


Bilang mambabatas ay handa tumayo tayuan at ipaglaban ang ating mga magsasaka dahil kasangga nila tayo tungo sa mas maraming produksyon at maayos na kita.


Gutom at malnutrisyon ang kikitil sa marami nating kababayan sakaling dumating ang krisis, kaya kailangan ng agarang solusyon at hindi ito ang panahon ng marami pang paliguy-ligoy, dapat aksiyon agad at ngayon na!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page