Solid 2x-to-beat, target ng Blazers at Red Lions
ni Gerard Arce - @Sports | November 22, 2022

Tatrangkuhan ni College of Saint Benilde Blazers forward Will Gozum ang pagtatangkang makuha ang solidong twice-to-beat advantage laban sa nag-aasam ng parehong posisyon na San Beda University Red Lions sa huling linggo ng eliminasyon ng 98th NCAA men's basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Muling itinanghal na NCAA Player of the Week ang 23-anyos na dating NCAA juniors MVP si Gozum sa ikatlong pagkakataon kasunod ng dalawang sunod na panalong iniukit ng Benilde upang maibalik sa Final 4 matapos ang dalawang dekadang paghihintay.
Makakatapat ng Blazers ang Red Lions sa pinakatampok na laro ng 3 p.m. na pagbabasehan kung makukuha nito ang isa sa top-2 spot para sa twice-to-beat advantage o maitutulak ng San Beda ang playoff. Nakatakda ring tapusin ng season host Emilio Aguinaldo College Generals at Arellano University Chiefs ang kani-kanilang kampanya sa liga sa unang laro ng 12:00 n.t.
Lumagare ang bruskong maton para sa Blazers nang magtala ng 25 puntos, 10 rebounds, at 6 na assists sa 83-78 na panalo kontra San Sebastian College-Recoletos Stags, na sinundan ng isa pang double-double sa 18 markers, 11 boards, at apat na dimes sa tagumpay kontra Final 4-bound team na Lyceum of the Philippines University sa 100-88.
“For now, I don’t want that MVP thing to get into my head because that just gives more pressure. What I really want is that [twice-to-beat] advantage because it’s one of the biggest steps in reaching the Finals,” wika ni Gozum na nangunguna sa listahan ng mga mabibiyayaan ng pinakamataas na individual award sa liga ngayong season.
“Expect us to double our efforts because last round, they [Red Lions] almost got us so we know they won’t give the win so easily this time.”





Comments