Social media na ang magdidikta ng resulta ng halalan sa 2022, hmmm…

ni Ka Ambo - @Bistado | January 15, 2021
Kumikilos na sa iba’t ibang lalawigan ang mga gumigire sa kampanya.
At siyempre, naglulustay ng pera ang mga ‘yan.
Saan nagmula ang pondo, hulaan ninyo?
◘◘◘
Ang eleksiyon sa Pilipinas ay talagang pera-pera lang.
At llamado ang may kontrol ng gobyerno.
He-he-he!
◘◘◘
Hindi lahat ng may kuwarta ay nagwawagi sa eleksiyon.
Marami sa kanila ay niloloko ng sarili nilang amuyong.
Alam ng mga amuyong na nakaw sa gobyerno ang naturang salapi!
◘◘◘
Social media na ang magdidikta ng resulta ng halalan sa 2022.
Tiyak na marami ang mai-scam online!
◘◘◘
Nagpalit ng liderato ang dambuhalang newspaper publishing.
Lipas na ang ideya ng mga dating lider ng korporasyon.
Gusto nila ay sila ang masunod kahit panahon pa ni Kopong-kopong ang kanilang ideya!
◘◘◘
Moderno na ang media, pero ang iniaalok sa kalye ay panahon pa ng La Solidaridad.
Eh, bakit?
◘◘◘
Kahit ang tradisyunal na TV network ay ubod nang tatanda na ang nagbabalita.
Panahon pa ng “Japanese Imperial Army” ang kanilang estilo na isinusupalpal sa Generation Z!
◘◘◘
Sa totoo lang, hindi na nanonood ng telebisyon ang mga paslit ngayon.
Maghapon at magdamag na kakambal nila ang gadgets!
◘◘◘
Bumabagsak na rin ang revenue ng TV network, sino ang magbebenta ng produkto sa mga uugud-ugod nang panatiko ng mga “voice over”?
Kailangan tumino at magpakatalino ang mga decision makers—sila mismo ang ugat ng ating kahirapan!
◘◘◘
Hindi dapat masunod kung sino ang may salapi o may “kapital” sa lahat ng aspekto ng negosyo.
Ang dapat masunod ay ang kabataang “nabubuhay” sa modernong panahon!
◘◘◘
Sa ngayon, mistulan tayong alipin ng mga tagabundok na mula sa sinaunang panahon.
Dinidiktahan nila ang modernong henerasyon na nabuburyong at nagpapatiwakal!
◘◘◘
Pinakagrabe ay ang gobyerno.
Pinatatakbo ito ng isang dakot na “walang muwang sa nagbabagong panahon” at pawing pagnanakaw lamang ang “expertise”!
◘◘◘
Kahit baguhin ang Konstitusyon, hindi mareresolba ang problema.
‘Yan ay dahil sa ang tunay na problema ay ang mismong pulutong ng mga matatanda nang mambabatas.
Walang alam ‘yan sa nagbabagong panahon, kundi ang mandambong ng salapi ni Juan!





Comments