top of page
Search
  • BULGAR

Sobrang palpak ng DOTr at operators...

Sangkatutak ang reklamo kung saan kukuha ng RFID sticker na Nov. 2 ang deadline, naloko na!!!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 28, 2020



Nasa kasagsagan tayo ng pandemya, sumabay pa itong pag-ulan dulot nang magkasunod na bagyo tapos heto ang marami sa ating kababayan ang nagkukumahog para makakuha ng Radio Frequency Identification (RFID), ‘yun pala sila ang hindi nakahanda.


Ganito ang kalunus-lunos na sinapit ng marami sa ating mga kababayan mula sa kamay ng tollway operators na Metro Pacific Tolways Corp. (MPTC) at San Miguel Corporation (SMC) na hindi pinaghandaan ang pag-shift sa kanilang RFID systems.


Hindi biro ang ibinabayad ng ating mga kababayan sa mga expressway kaya dapat lang na bukod sa paghahanda ay tiyakin nilang maayos na naisasagawa at tumatakbo ang imprastraktura nito.


Itinakda ng Department of Transportation (DOTr) ang deadline ng pagiging cashless sa mga tollway ngayon Nobyembre 2, kaya ngayon ay nagkukumahog ang dalawang operators at ang ating mga kababayan.


Ang MPTC ang nagpapatakbo sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), C5 Link, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX). Ang SMC naman ang namamahala sa South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, NAIA Expressway (NAIAX), Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), at Star Tollways.


Dahil sa kabi-kabilang reklamo na dumating sa atin ay wala tayong magawa kundi alamin ang puno’t dulo nito bilang Vice-Chairman ng Senate Committee on Public Services, dahil nagkakagulo ang ating mga kababayan natin kung saan kukuha ng RFID stickers.


Maging ang kanilang sistema ng pamamahagi ng RFID ay hindi maayos at hindi malinaw sa marami kung saan dapat magtungo para kumuha, ibig sabihin ay malaki ang pagkukulang sa pagpapakalat ng impormasyon.


Ang nangyari, mas nauna ang press release hinggil sa deadline pero ‘yung aktuwal na paghahanda sa volume ng mga kukuha ng RFID ay kitang-kita ang kanilang kapalpakan na hindi talaga sila handa.


Unang-una ay kulang na kulang ang mga installation centers, na kakaunti na nga, kadalasan ay nauubusan pa ng stickers at may mga lugar na inaabot ng sampung oras ang pumipila bago makakuha ng RFID, isipin n’yo naman ang pahirap na ito.


Nakipag-ugnayan na nga kami sa MPTC sa Cavite para sa pop-up installation booths, pero hindi umano sapat kasi half-day pa lang, wala nang stickers, kumbaga hindi pala kaya pero bakit pumapayag sila sa itinakdang deadline?


Hindi puwedeng balewalain ang pagdagsa ng mga tao sa mga installation center na pumipila 24/7 at ito ay maliwanag na paglabag sa physical distancing na mariing ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Diseases (IATF) ngayong pandemya.


May mga insidente rin na imbes na mapabilis ang pagkolekta ng toll ay lalo pang nagtatagal dahil sa hindi agad pagbubukas ng barrier kasi hindi agad nababasa ang RFID.


Nagiging kilometro ang traffic, mas mabilis pa sa cash lanes dumaan, meron din na magbubukas makaraan ang ilang sandali, pero ‘di pa nakakalampas ‘yung sasakyan, biglang babagsak ‘yung barrier, kaya yupi ang kotse ‘pag minalas baka mabasag pa ang windshield ng sasakyan.


Sa totoo lang, hindi natin ibinubunton ang lahat ng sisi sa mga operators dahil naiintindihan natin ang sitwasyon na kasalukuyang pandemya, pero dapat nilang maintindihan na ang mga operator ang responsable sa nangyayaring aberya.


Alam nilang may COVID-19, at alam din nila na mahilig sa last minute ang ating mga kababayan kaya dapat pinaghandaan nilang mabuti, sinimulan ninyo ang kaguluhan, pwes tapusin ninyo ng maayos, gawin ninyo ang nararapat. There’s no excuse!


Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page