Sobrang in love sa isa't isa… SIGAW NI VICE: WALANG BIBITAW SA AMIN NI ION!
- BULGAR
- Nov 20, 2021
- 3 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 20, 2021

Sa Who's Who? o Sino Ang? challenge sa pinakabagong vlog ni Vice Ganda, sumabak ang It's Showtime host kasama ang boyfriend na si Ion Perez sa ilang katanungan, gaya ng kung sino sa kanilang dalawa ang mas may angking talent sa pagpapatawa.
Paliwanag ni Vice, kung siya ay nakakatawa sa kanyang mga programa o pelikula, mas 'di hamak daw na komedyante si Ion sa totoong buhay lalo na't kapag nasa bahay sila at walang nakatutok na camera.
"Sa trabaho, siyempre, ako, kasi trabaho ko 'yun. Kilala n'yo naman ako, kapag hindi ako nagtatrabaho, hindi ako nagpapatawa, 'no, seryoso ako sa buhay. Ito (si Ion), sa totoong buhay, patawa siya, 'yung kahit hindi niya sinasadya, nakakatawa siya," sagot ni Vice.
Sa tanong naman kung sino ang mas papansin sa kanilang dalawa ni Ion, sagot ng Unkabogable Star, "Parang ako. Kasi siya, 'pag naglinis na siya ng motor, mahaba 'yun, akala mo nagpadede ng bata, nagpaligo, nagpat*e, nagpatulog, ganu'n kahaba. Tapos, kapag nakatapat na rin siya sa laptop niya, tututok na rin siya. So ako, mas papansin ako.
"Kasi ako, hindi niya ako iniistorbo. Kaya kapag gusto ko na makipaglambingan, ako na 'yung gagawa ng paraan. Kasi hindi niya ako iistorbohin, hindi niya kinukuha 'yung atensiyon ko."
Si Vice rin daw ang mas maalaga at palaging unang nanunuyo lalo na't sila'y may tampuhan.
"Ako. Because I have a nurturing heart, I have nurturing hands. Charot. Maalaga ako talaga.
"Ako ang laging gumagawa ng paraan para maging maayos ang lahat. Sa dami ng stress sa buhay, kung ano 'yung pinakamabilis na gawan ng paraan, gawan na agad ng paraan. Kung ano 'yung pinakamadaling solusyunan, solusyunan. Ayoko nu'ng matutulog na magkaaway, ayaw ko ng ganu'n. Sayang ang time kaya suyo agad, ayusin agad."
Ayon pa kay Vice, siya ang mas maalaga kay Ion, pero mas sweet daw sa kanya ang boyfriend.
"Siya," sabay paliwanag na, "Mas touchy-feely si Ion, pero sweet din ako. Ang tanong mo lang kasi, sino 'yung mas, eh."
Si Ion din umano ang unang nahulog sa kanilang dalawa, at ito rin ang unang nagsabi ng "I love you."
"Siya…. Patay na patay siya sa akin, eh," biro ni Vice, na sinagot naman ni Ion ng, "Ako, hinahalikan ko pa nga 'yan, eh, tapos umiilag-ilag siya."
Aminado naman ang dalawa na pareho silang seloso.
"Ay, hindi namin problema 'yun. Walang madalas magselos pero may instance na nagselos, siya (Ion) 'yun, pero isang beses lang. Hindi kami nagseselos, saka iniiwasan naming gumawa ng dahilan para makaramdam ng ganu'n. Kunwari ako, kahit alam ko namang hindi siya seloso, kung feeling ko, baka ma-affect siya, o baka magselos nang kaunti, iiwas na ako.
"Saka, siya naman kasi, kapag alam niyang may pupuntahan siya, tapos feel niya na magseselos ako, magpapaalam naman siya, eh. Sasabihin naman niya, 'Babe, okay lang na pumunta ako sa ganito?' 'Oo, sige, Babe. Okay lang.' Iniiwasan talaga namin 'yung selos," dagdag ni Ion.
Dahil masaya silang pareho, sa tingin ni Vice, walang sinuman sa kanila ni Ion ang bibitaw sa kanilang relasyon.
Katwiran ni Vice, "Definitely, hindi ako. Ako, ha, personally hindi ko nararamdaman sa amin 'yun. Sa puntong 'to ngayon, ha, kung gaano ka-intense 'yung samahan namin, kung gaano ka-intense 'yung feelings namin sa isa't isa, hindi ko 'yan nararamdaman na mangyayari anytime soon. And hindi ko 'yan nararamdaman na kaya ko 'yang gawin. At hindi ko rin nararamdaman na kayang gawin 'yan ni Ion. Kaya for me, sa ngayon, kung gaano ka-intense, parang walang bibitaw," sey ni Vice.
Wala naman daw sukatan ang pagmamahalan ng dalawa, kung sino ang mas nagmamahal sa isa't isa.
"Hindi ko puwedeng ikumpara kung mas malalim 'yung pagmamahal ko sa pagmamahal niya.
Hindi ko masasabing mas mahal ko siya kesa mahal niya ako o mas mahal niya ako kesa mahal ko siya. Kasi siya naman, nakikita ko naman, ibinibigay niya kung ano'ng kaya niyang ibigay, ako rin naman [ganu'n]. Natatanggap ko naman kung ano 'yung deserve ko, siya rin naman. I'm trying my best to give him what he deserves. Hindi 'yun nasusukat.
"Saka parang hindi na mahalaga sa akin din kung sino ang mas lamang. Ang mahalaga, pareho kaming nagmamahal. Ang mahalaga, 'yung mahal ko, minamahal ako, at 'yung mahal ko, minamahal ko rin. Sapat na 'yun, " katwiran ng Unkabogable Star.
Samantala, pinagtalunan din nila kung sino ang mas magaling humalik sa kanilang dalawa.
Sabi ni Vice, mas magaling siya, pero ayaw magpatalo ni Ion na humirit na sumusuko sa halik niya si Vice.
Pagbubuking naman ni Vice, may times na tamad humalik si Ion kaya nagtalo silang dalawa.
'Kalokah!








Comments