Sobrang blessed daw ngayon… IVANA, 8 ORAS NAGLAKAD MATUPAD LANG ANG WISH
- BULGAR
- Apr 3, 2024
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Abril 3, 2024

Labis ang papuri ng mga netizens kay Ivana Alawi matapos mapanood ang kanyang street prank vlog dahil hindi lang siya basta nang-prank ng mga tao kundi binigyan niya ang mga ito ng tulong.
Nag-ikot ang aktres-vlogger sa paligid ng Antipolo Church at nagpanggap na nagbebenta ng sampaguita. Ang lahat ng bumili or tumulong sa kanya ay binigyan niya rin ng malaking pera bilang pasasalamat sa mga ito.
Bukod dito, inanunsiyo niya na ang lahat ng kikitain ng kanyang vlog ay ido-donate niya sa Antipolo Church.
"Please share this video at kung may makita kayong ads, please don't skip kasi lahat po ng kikitain ng vlog na ito ay ido-donate natin sa Antipolo Church,” aniya.
Kung bakit daw ito ang simbahang napili niya, aniya ay espesyal sa kanya ang Antipolo Church dahil tinupad daw nito ang kanyang kahilingan.
“Sobrang meaningful at sobrang special ng church na ito sa akin kasi nu'ng bata ako, siguro mga 14 or 15 years old, nag-alay-lakad kaming dalawa ng ate ko. From Sta. Mesa all the way to Antipolo,” kuwento ni Ivana.
Paglalahad pa ng aktres, “So, umabot kami ng 8 hours sa paglalakad kasi hindi namin alam ‘yung daan. Tapos, nagsimula kami nang madaling-araw, so wala kaming mga kasabay.
“Naalala ko, habang naglalakad ako papunta ru'n sa simbahan na ‘yun ay nagwi-wish ako.
May hinihiling talaga ako kay Lord na parang ‘Lord, sana matupad ‘tong pangarap ko.’”
Alam daw niyang sobrang imposible ng kanyang wish pero aniya, “Kung mangangarap na lang din ako, eh, di taasan ko na.”
Sey pa niya, “Guys, tinupad ni Lord ‘yung pangarap ko. Hindi ko na ikukuwento kung ano ‘yun pero tinupad Niya.”
Kaya naman sa tuwing magdarasal siya or magpapasalamat ay pumupunta raw siya sa simbahan ng Antipolo.
Diin niya, “Marami akong ipinagdadasal du’n. Pumupunta ako lagi du'n. Kahit ito, recently.
Pumupunta ako sa Antipolo Church, magsisindi ng kandila, magdarasal, tapos
magpapasalamat talaga kasi ewan ko, sobrang malapit talaga ako sa simbahan na ‘yun.”
Sa comment section ay abut-abot ang papuri ng mga netizens sa kabutihan ng puso ni Ivana kaya naman daw lalo itong sinusuwerte.
“Napaka-generous talaga ni Ma'am Ivana. Sana marami pang blessings ang dumating sa 'yo Ma'am Ivana. Ang dami mong natutulungan. God bless po,” comment ng isang netizen.
“Sobrang nakakatuwang makapanood ng ganito. Good job, Ms. Ivana, so pure and kind. The world is healing,” sey naman ng isa pang commenter.
“Sana, maraming content pa po na ganito, Ms. Ivana, napakabuti n'yo po, napakabuti ng puso n'yo, kaya sobrang blessed po kayo. 'Yung blessing ng itaas ay siksik, liglig at umaapaw, sobra-sobra, kasi napupunta sa mabuti at 'di po kayo nakakalimot mag-share sa ibang tao, napaka-humble at down-to-earth lagi...” papuri naman ng isa pa.
Comentários