Smack lang daw dapat, Julia… COCO, UMAMING NADALA KAY LOVI, HALIKAN NAGDIRE-DIRETSO NA
ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 5, 2023

Parang "premiere night feels" ang ambiance sa ginanap na mediacon ng Batang Quiapo kahapon sa Luxent Hotel sa Kyusi.
Bukod kasi sa bidang si Coco Martin at sa gorgeous leading lady niyang si Lovi Poe, dumating din at humarap sa mediacon ang malalaking stars ng showbiz industry sa pangunguna ng dating CEO ng ABS-CBN na si Ma'm Charo Santos at nina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Cherry Pie Picache, John Estrada, Pen Medina, Ronnie Lazaro, Dindo Arroyo, McCoy de Leon at maging ang mga kagrupo ni Tanggol (Coco) sa Batang Quiapo series.
Kahit walang prangkisa ang ABS-CBN, ang bongga pa rin talaga ng serye ni Coco dahil kahit February, 2023 lang ito nagsimula, nagpatawag na uli ng mediacon para lang ibalita ang pagbabagong-buhay ng karakter ni Coco sa Batang Quiapo na mapapanood simula sa May 8.
Kaya sa mga viewers ng BQ na naiinip nang makita si Coco na mabait at lodi ng kabataan ang image, ilang tulog na lang at mapapanood n'yo na 'yan.
Samantala, napag-usapan ang ilang nag-viral na eksena sa Batang Quiapo tulad nga ng naganap na kissing scene ng mga karakter nina Coco (Tanggol) at Lovi (Mokang).

Aminado kasi si Lovi na kinilig siya sa debut scene niya sa serye, kaya ang tanong namin, dahil ba ito sa kissing scene nila ni Coco?
Sagot ni Lovi, "Inaasar nga ako ni Tatay (Pen Medina) na 'Ang landi-landi mo!'" kasunod ang malakas na tawa ng aktres at maging ni Coco.
Dahil close sila ni Coco bago pa man sila nagtambal dito sa Batang Quiapo, naging mahirap ba sa kanya ang kissing scene nila?
All-smiles pa ring sagot ni Lovi, "Mahirap naman kasing 'di kiligin, eh. Sabi ko nga, nagdidirek pa lang siya (laughs)… Mahirap kasi talagang hindi kiligin," with matching hampas sa hita ni Coco.
"Hindi maiiwasan, eh, kasi 'pag pinapanood mo pa lang si Coco na nagdidirek at the same time, habang ginagawa 'yung eksena na 'yun, siya pa rin ang nagdidirek habang nagki-kissing scene kami, makikita mo after nu'n, siya pa 'yung magka-cut, siya pa 'yung magsasabi kung saan (ang anggulo), so mahirap na hindi kiligin talaga."
Naku, buti naka-shades si Coco sa mediacon or else, baka kinilig na naman si Lovi habang tinititigan ng aktor, hahaha!
Tinanong din si Coco about their kissing scene ni Lovi at natatawa niyang sagot, "Sinadya ko lang 'yun. Naisip ko 'yun ora mismo. Sabi ko, maganda 'to, after ng pagkauwi niya, napanaginipan niya pa. Fumallow-up. Kasi wala namang nangyari nu'ng debut, kinilig lang siya na na-appreciate niyang may pumalit du'n sa escort niya, eh.
"Sa totoo lang, dapat 'yung eksena namin, nag-kiss lang kami ng isang smack. Eh, nu'ng naramdaman na namin 'yung music habang sumasayaw kami, nagdire-diretso na."
Dagdag pa ni Coco, pinakikiramdaman daw niya si Lovi dahil ayaw niyang isipin nitong nagte-take advantage siya sa eksena.
"Eh, nu'ng naramdaman kong nararamdaman ni Lovi 'yung eksena, ipinaramdam ko na rin sa kanya 'yung eksena. Eh, naramdaman, kaya dinire-diretso na namin," sagot ni Coco kaya nagkatawanan.
At take note, pati pala si Ma'm Charo ay kinilig sa kissing scene na 'yun kaya ang sabi raw niya kay Coco, "Direk, nakakakilig. Tamang-tama 'yung ginawa mo."
Well, sa one-on-one, tinanong namin si Lovi kung napanood ba ng British BF niyang si Montgomery Blencowe ang viral kissing scene nila ni Coco at napapangiti lang na sabi ni Lovi, 'di siya sure.
Pero siguro naman, 'di pagseselosan ng BF ni Lovi at maging ni Julia Montes (rumored GF pa rin ni Coco) ang kissing scene na 'yun dahil sabi nga, trabaho lang, walang personalan.
'Yun na!





Comments