Sky Story, sinilo ang korona sa 3-YO
- BULGAR
- Jul 17, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 17, 2023
Nagpasiklab si Sky Story sa mga tumaya sa kanya at mga tagahanga matapos nitong siluhin ang korona sa 2023 PHILRACOM 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan Ciy, Batangas noong Sabado ng hapon.
Nilundag agad ni Light Bearer ang unahan pagkalabas nito sa aparato subalit hindi siya pinalayo ni Sky Story na tinutukan siya hanggang sa half mile ng karera.
Subalit habang lumalapit sa far turn ay kumukuha na ng unahan si Sky Story na sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate at pagdating ng huling kurbada ay lumamang pa ng dalawang kabayo ang winning horse.
Umalagwa pa ang lamang ni Sky Story sa tatlong kabayo sa rektahan kaya naman malayo ang lamang nito sa sumegundong Light bearer pagtawid ng finish line.
Nirehistro ni Sky Story ang impresibong tiyempong 2:06.4 sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si JO Gianan ang P600,000 premyo, nakopo ng Light Bearer ang P225,000.
"Grabe ang husay ni Sky Story, walang kahirap-hirap na nanalo, kahit mahaba pa ang karera hindi maaabutan," saad ni Fernando Ventura, veteran karerista.
Dumating na tersero si Open Billing at pang-apat si Orange Bell, nai-uwi nila ang tig P125,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod.
Humamig din ang winning breeder na si Joseph Dyhengco ng P50,000 habang tig-P30,000 at P20,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, may siyam na karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Linggo kaya naman naging masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments