Sky Shot, mahaharap sa mga astigin ng Gold Cup
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 17, 2022
Palaban ang Sky Shot kahit mga tigasin ang mga kalahok sa 2022 PHILRACOM - PCSO "Presidential Gold Cup" race na pakakawalan bukas (Linggo) sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Sasakyan ni class A rider Mark Angelo Alvarez, inaasahang mapapalaban ng todo ang Sky Shot sa dalawang tigasing kabayo ng bansa na Boss Emong at Super Suwerte sa distansiyang 2,000 meter race.
Komento ng mga karerista na magaling at mahusay ang Sky Shot kaya tiyak na maraming susuporta sa pag-aari ni Jun Sevilla.
May garantisadong premyo na P10-M na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang kalahok ay sina Silver Cup third-placer at pambato ni Melaine Habla Big Lagoon, Heneral Kalentong, War Cannon, Spandau Ballet, Ambisioso, Real Quiet at Victorious Colt.
Isa rin sa sinisilip ng mga karerista ay si 2020 Philracom Triple Crown champion Heneral Kalentong, ang panargo ni Mandaluyong Mayor Benjamin Abalos Sr.
Nakalaan ang P6-M premyo para sa mananalong kabayo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon
Masusungkit ng second placer ang P2-M, mapupunta sa pangatlong kabayong tatawid sa finish line ang P1-M habang tig-P500,000, P300,000 at P200,000 ang fourth, fifth at sixth ayon sa pagkakahilera.
Mag-uuwi rin ng P500,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P300,000 at P200,000 ang second at third.





Comments