Sky Shot bida sa Presidential Gold Cup
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 14, 2021
Nakaukit na ang pangalan ni Sky Shot sa history ng karera matapos nitong sungkitin ang korona sa PHILRACOM-PCSO Presidential Gold Cup na ginanap sa Metro Manila Turf, Malvar, Batangas, noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Hernandez, nakipagtagisan ng bilis sa unahan si Sky Shot kay Gusto Mucho habang ang couple entry nitong si Boss Emong ay dinidikitan ang mahigpit nilang katunggali na si Super Swerte sa pang anim na puwesto.
Papalapit ng home stretch ay nagkapanabayan na ang magka-kuwadrang Sky Shot at Boss Emong at pinagitnaan nila si Super Swerte.
Nanatili ang tikas ni Sky Shot hindi natinag sa unahan, umungos ng bahagya sa huling 100 metro ng karera kaya kahit malakas ang dating ni Nuclear Bomb ay nauna pa ring tumawid sa meta ang anak nina Juggling Act at Lamborghini. "Ini-expect ko manalo si Sky Shot, masaya kami ngayong araw, (Sunday)," saad ni Diokno.
Inilista ni Sky Shot ang 2:05 minuto sa 2,000 meter race sapat upang angkinin ng horse owner na si Edward Diokno ang P6M premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Segundo si Nuclear Bomb habang tersero si Super Swerte na nag-uwi ng tig-P2M at P1M ayon sa pagkakasunod.
Dumating na pang-apat si War Cannon at pang-lima si last year champion Pangalusian Island na humamig ng tig- P500,000 at P300,000 ayon sa pagkakasunod habang P500,000 ang kinubra ng breeder ng winning horse.
Samantala, nagwagi si Flattering You sa Presidential Gold Cup Division II na pinakawalan sa race 7.
Inirehistro ni Flattering You ang 1:40.2 minuto sa 1,600 meter race, ibinulsa ng horse owner na si Melanie Habla ang P600,000 premyo.
Ginabayan ni class jockey Kelvin Abobo si Flattering You, pangalawang tumawid sa meta si All Too Easy habang tersero si Stayinthemoment.





Comments