Sky Lover, panalo sa 3-YO Maiden Race
- BULGAR
- Jul 11, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 11, 2023
Hinangaan si Sky Lover noong Linggo ng hapon matapos nitong manalo sa 3-Year-Old Maiden Race na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Sinakyan ni jockey John Allysson Pabilic, ipinuwesto nito si Sky Lover sa pangalawa sa largahan upang hindi makalayo ang matulin na si Flashy Bell na ginabayan naman ni Pablito Cabalejo.
Pagdating ng far turn ay bakbakan pa rin sa unahan ang Flashy Bell at Sky Lover pero papasok ng hometurn ay inagaw na ng winning horse ang unahan.
Ganado si Sky Lover, umabot sa dalawang kabayo ang nilamang nito sa rektahan kaya magaan nitong tinawid ang meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nagwagi si Sky Lover ng may tatlong kabayong agwat sa pumangalawang si Dreamsoftheworld, tersero si Golden Jaraywa habang pumang-apat si Flashy Bell.
Inilista ni Sky Lover ang tiyempong 1:01 minuto sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize.
Nagpakitang-gilas din si Apollo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa pangalawang karera.
Nirendahan ni jockey RA Base, umoras si Apollo ng 1:01.4 sa 1,400 meter race para maibulsa ang karagdagang premyo na P10,000 ng winning horse owner na si FR Sevilla.
Samantala, walong balanseng karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya nasiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments