Sky Dancer, sasabak sa Condition Race (19)
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 20, 2021
Mga Condition races at isang Maiden race ang pakakawalan ngayong araw sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas kaya naman tiyak na magugustuhan ng mga karerista ang naka-lineup na kabayong maglalaban.
Pitong races ang ihihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) at isa sa aabangan ng mga karerista ay ang pagsalang ni Sky Dancer sa Condition Race (19) na ilalarga sa pangalawang karera.
"Maganda ang ipinakikitang performance ni Sky Dancer, kahit sino siguro magdala sa kanya ganun pa rin ang itatakbo niya," saad ni Jerry Cordero, karerista.
Posibleng magbigay ng magandang laban kay Sky Dancer sina To It's Si Bing at Jacqueline ayon sa mga kareristang nagkomento sa social media.
Maliban kina To It's Si Bing at Jacqueline, mapapalaban din si Sky Dancer kina Storm Bell, Tool Of Choice at Messi.
Tiyak na magandang laban din ang masisilayan ng mga karerista sa 3-Year-Old & Above Maiden race na pakakawalan sa pang-anim na karera.
Magtatagisan ng bilis sina With Integrity, Wild Act, Sexy Love, Aphrodite, Arubaitosan at Queenheatherbailey.
Nakalaan ang added prize na P10,000 para sa winning 3-year-old horse sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Inaasahang liyamado sa bentahan si Aphrodite na rerendahan ni veteran jockey Jeffrey Bacaycay, may distansyang 1,200 meter race ang nasabing karera.
Ayon sa ibang mga liyamadista, posibleng i single bet nila si Aphrodite upang makatipid sa presyo kapag tumawad ng winner take all, (WTA). "Puwede na siguro i-single si Aphrodite, mainam na kabayo naman siya," sabi ni Glen Christian, karerista.
Isa pa sa mga tututukan ng mga karerista ay ang labanan ng 10 kabayo sa Condition Race (24) na ikakasa sa pangatlong karera. Magpapaligsahan ng tulin sina Tontoneeto, Mahilig, A Certain Smile, Pagbabago, Rosario Princess, Sorsogon Bay, Taranasakalyos, Superal, Daldalero at Jack Of Clubs.





Comments