Sky Dancer, nanalo sa Condition Race 22
- BULGAR
- Oct 29, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 29, 2022
Nakapanood ng magandang karera ang mga racing aficionados matapos manalo ni Sky Dancer sa naganap na Condition Race 22 na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Hindi inapura ni jockey MP Canete si Sky Dancer, pumuwesto sa pang-lima sa arangkadahan bago nakipagtagisan ng bilis sa unahan sa may far turn.
Nakalaban ni Sky Dancer sa unahan sina Premiere Danseur at Hold On hanggang sa rektahan pero sa huli 50 metro ng labanan ay umangat na ang winning horse.
Nanalo si Sky Dancer ng may isa't kalahating agwat sa pumangalawang si Premiere Danseur sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli de Leon. Inirehistro ni Sky Dancer ang tiyempong 1:14 minuto sa 1,200 meter race upang sungkitin ng winning horse owner ang P10,000 added prize.
Tumersero si Hold On habang pumang-apat at pumang-lima sina Galing Sa Mabait at Boysofmeadows ayon sa pagkakasunod.
Samantala, hindi naman nagpadaig si Landslide nang manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na pinakawalan sa pangalawang karera.
Sinakyan ni RM Garcia, isinumite ni Landslide ang oras na 1:12 minuto sa 1,200 meter race, dumating na segundo si Bohemian habang pangatlo si Brightside.





Comments