SK at Brgy. officials, patuloy na maging tapat, may disiplina at malasakit
- BULGAR

- Nov 13
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 13, 2025

Dahil may isang taon pa na manunungkulan ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, dapat ay mas humaba rin ang malasakit, disiplina, at tapat na serbisyo nila sa mga nasasakupan.
Kamakailan, pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang legalidad ng Republic Act No. 12232, na nagtakda ng apat na taong termino para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK). Dahil dito, naurong ang halalan mula Disyembre 2025 at naging Nobyembre 2026.
Ayon sa desisyon ng SC, ang bagong batas ay isang “term-setting law” at hindi batas na naglalayong ipagpaliban ang halalan. Ang pagbabago ng petsa ng eleksyon ay “incident lang”, hindi intensyunal na postponement.
Tinanggihan din ng korte ang petisyong inihain ni Atty. Romulo Macalintal at iba pang grupo na nagsasabing labag ito sa karapatang bumoto ng publiko.
Paliwanag ng Korte Suprema, nananatiling malinaw sa taumbayan kung kailan gaganapin ang susunod na halalan. Kaya’t hindi nawawala ang kakayahan ng mga botante na managot at magpanagot sa tamang panahon.
Binigyang-diin ng hukuman na ayon sa Article X, Section 8 ng Konstitusyon, may ganap na kapangyarihan ang Kongreso na tukuyin ang haba ng termino ng mga barangay officials dahil sila ay hindi saklaw ng karaniwang tatlong taong limitasyon ng ibang halal na opisyal.
Dagdag pa ng SC, hindi nito sinisira ang demokrasya dahil hindi naman tinatanggal o walang katapusang ipinagpapaliban ang eleksyon. Sa halip, binabago lamang ang pagitan ng termino mula tatlo patungong apat na taon. Sa madaling sabi, may bisa at saysay pa rin ang karapatan ng publiko sa pagboto.
Habang pinag-uusapan ang bagong iskedyul, patuloy naman ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Chairman George Garcia, may 356,421 bagong aplikante na para sa 2026 BSKE. Pinakamataas ang bilang ng rehistrado sa Calabarzon (75,936), sinundan ng Metro Manila (49,342) at Central Luzon (29,541).
Ngunit higit pa sa mga bilang at batas, ang tunay na tanong ay kung magiging matino, tapat, at may malasakit pa rin kaya ang mga opisyal sa dagdag na taong ibinigay sa kanila.
Hindi dapat ito maging dahilan para sa kumpiyansa o katamaran, kundi panahon ng paghimok, kung paano nila mapatutunayan na karapat-dapat silang pagkatiwalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments