Sister Moon nanalo sa 3-YO Maiden Race
- BULGAR
- Sep 28, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | September 28, 2023
Nakipagbakbakan sa unahan si Sister Moon upang sikwatin ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, Martes ng gabi.
Mainit ang naging bakbakan nina Sister Moon at Don Pedro pero hindi naubusan ng lakas ang una kaya tinawid nito ang meta ng walang kahirap-hirap.
Kumaskas sa arangkadahan si Sister Moon pero kinapitan agad siya ni Don Pedro at saka nito kinuha ang unahan.
Hindi naman nagpaiwan si Sister Moon, nakipagsabayan ito sa unahan at umabot ang labanan nila ng Don Pedro hanggang sa pagsungaw ng rektahan.
Nasa unahan si Sister Moon habang kinakapos na si Don Pedro, lumalapit naman ang Savawani na dumaan sa tabing balya.
Patuloy ang pagpapakitang gilas ni Sister Moon at nanalo ito ng may tatlong kabayong agwat sa pumangalawang si Savawani, tersero si Don Pedro sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Nirendahan ni EA Abrea, inirehistro ni Sister Moon ang tiyempong 1:11.4 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P20,000 added prize.
Samantala, inihahanda si Sister Moon ng kanyang connections para sa susunod na sasalihang karera.





Comments