Sistematikong laban kontra-bullying sa mga paaralan
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 19, 2026

Proteksyon ang malinaw na paninindigan ng Department of Education–National Capital Region (DepEd-NCR) sa gitna ng patuloy na pag-igting ng isyu ng bullying sa mga paaralan sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng Regional Memorandum No. 4, ipinakita ng ahensya na hindi sapat ang parusa lamang. Kinakailangan ang sistematikong pag-aaruga, malinaw na patakaran, at kolektibong pananagutan upang mapanatiling ligtas ang kabataan.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, inatasan ang lahat ng school division offices na palakasin ang paggana ng mga Child Protection Committee. Hindi ito simpleng compliance sa papel, kundi pagsisiguro na may malinaw na mekanismo laban sa bullying, peer-related violence, at iba pang isyung pangkaisipan na unti-unting sumisira sa kumpiyansa at kinabukasan ng mga mag-aaral. Kasabay nito, ipinag-utos ang masinsinang orientation para sa mga guro at non-teaching personnel upang pare-pareho ang kaalaman at aksyon sa pagpapatupad ng mga patakaran.
Binibigyang-diin din ng memorandum ang pagsasama ng kamalayan sa karapatan at proteksiyon ng mag-aaral sa mga asignatura pati na rin sa co-curricular at extracurricular activities. Ibig sabihin, ang laban kontra-bullying ay hindi lamang responsibilidad ng guidance office, kundi bahagi ng araw-araw na kultura ng paaralan.
Hinihikayat din ang mga pribadong paaralan na ipatupad ang parehong pamantayan, upang mas maraming kabataan ang maprotektahan.
Hindi maikakaila ang bigat ng problema. Tinagurian ang Pilipinas bilang “bullying capital of the world” matapos ipakita ng 2018 Program for International Student Assessment na 65 porsiyento ng Grade 10 students ang nakaranas ng bullying ilang beses kada buwan. Ang ulat na ito ay hindi lamang numero; ito ay salamin ng tahimik na sugat ng mga bata na madalas dinadala hanggang sa pagtanda.
Mahalaga ang hakbang ng DepEd-NCR dahil ang paaralan ang ikalawang tahanan ng mga bata. Kapag dito pa lamang may takot, madadala nila ito sa komunidad, pamilya, at lipunan. Ang proteksiyon sa loob ng silid-aralan ay proteksiyon din sa kinabukasan ng bansa.
Ang memorandum ay paalala na ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa akademikong marka. Ito ay tungkol sa dignidad, kaligtasan, at pagkatao. Kapag ang bata ay ligtas, mas lumalalim ang kanyang kaalaman. Kapag ang paaralan ay may malasakit, mas nagiging makatao ang lipunan. Ang tunay na laban kontra-bullying ay nagsisimula sa pinagsama-samang paninindigan: walang batang dapat maiwan at masaktan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments