Sinuri ang health at safety protocols matapos ang WNBL Draft Combine

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 11, 2020

Magpapatuloy ang paghabol ng pangarap ng 148 piling kababaihan ngayong Sabado ng unang Women’s National Basketball League (WNBL) Draft Combine sa Victoria Sports Tower sa Quezon City. Magpapakitang gilas ngayon ang mga sentro at forward at susundan sila ng mga gwardiya sa Linggo.
Noong Martes ay inihanda at sinuri ng Games and Amusements Board (GAB) ang lugar ng mga kinatawan ng WNBL. Nakalatag na ang mahigpit na health at safety protocol at kailangan lumagda ang lahat ng manlalaro ng waiver bago pumasok sa palaruan.
Hinati ang lahat sa mga pangkat na tig-10 manlalaro at ang unang pangkat ay nakatakda para sa 6:30 ng umaga. May pagitan ng isang oras at 15 minuto bago magpapalit ng susunod na mga manlalaro.
May ilang mga kandidata ang nakapagsilbi sa pambansang koponan. Binubuo ang karamihan ng listahan ng mga beterana ng UAAP, WNCAA, WCSA, NAASCU at NCRAA.
Ihahayag ng WNBL ang eksaktong petsa ng Rookie Draft para sa makasaysayang pinakaunang ligang propesyonal ng Basketball para sa kababaihan. Inihahanda na rin ang opisyal na listahan ng mga kalahok na koponan.
Hindi pipili sa Rookie Draft ang mga koponan galing sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil kukuha sila ng mga manlalaro direkta mula sa hanay ng kanilang mga sundalo. Ang WNBL ay nakatakdang magsimula sa loob ng unang tatlong buwan ng 2021.





Comments