Sinumbatan dahil lang sa tuyo… MATET, IPINAHIYA SI NORA NA NATIONAL ARTIST NA
- BULGAR
- Dec 8, 2022
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | December 8, 2022

Isa kami sa mga labis na nalungkot at nanghihinayang sa dating magandang samahan-relasyon ng mag-inang Matet de Leon at Nora Aunor na nasira dahil lang sa kompetisyon nila sa negosyo.
Noong nagkaroon ng falling out si Lotlot de Leon at ang kanyang Mama Guy (na tumagal din nang ilang taon), si Matet ang naging kakampi at laging nakasuporta kay Nora. Kaya marami ang humanga at pumuri kay Matet sa kanyang pagiging mabait, maasikaso at mapagmahal na anak.
Hindi pinabayaan ni Matet ang kanyang Mama Guy noong ito ay nagkasakit at naospital.
Siya ang dumamay sa Superstar nang magkaroon ng mga problema.
Ngayong okay na ang relasyong Lotlot de Leon at Nora Aunor, nagkausap na sila nang masinsinan at naayos ang kanilang tampuhan, si Matet naman ang may isyu sa kanyang ina.
At nalulungkot ang mga Noranians dahil naba-bash na naman si La Aunor dahil sa post ni Matet sa kanyang Instagram na may patama sa kanyang Mama Guy. Masamang-masama ang loob ni Matet dahil kinumpitensiya pa raw ng kanyang Mama Guy ang negosyo niyang Casita Estrada bottled gourmet tuyo at tinapa.
Matagal na nilang negosyo ito ng kanyang mister, tapos ay tinapatan nga raw ni La Aunor na ngayon ay nagtitinda na rin ng bottled tuyo and tinapa.
Hindi raw lubos na maisip ni Matet na sarili pa niyang ina ang kukumpitensiya sa kanyang negosyo na pinaghirapan nilang simulan.
Sey pa ni Matet, alam daw ng isa niyang kapatid at ng isang taong sobrang malapit sa Superstar ang tungkol sa negosyong tuyo at tinapa ni La Aunor.
Ayaw daw manumbat ni Matet dahil ayaw niyang pagpiyestahan ito ng media. Pero dahil kumalat na ang isyu nila ni La Aunor sa buong showbiz, si Nora na naman ang lumalabas na masama at kontrabida.
Sabi naman ng ilang nagmamalasakit sa Superstar, sana, bago nag-emote si Matet ng tungkol sa kanyang sama ng loob sa ina, inisip man lang niya na si Nora Aunor ay isa nang National Artist na iginagalang ng lahat.
Puwede naman niyang tawagan-kausapin ang kanyang Mama Guy para malaman ang tunay na pangyayari. And for sure, handa namang magpaubaya si La Aunor at 'wag nang ituloy ang kanyang negosyong tuyo at tinapa.
Kinulang din ng pang-unawa si Matet, masyado siyang naging emosyonal.





Comments