Sinulog basketball, sisimulan ng 4 na koponan sa Queen City
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 18, 2023

Bubuhayin ang malakihang commercial basketball sa Cebu City sa pagbubukas ng 2023 Chooks To Go Sinulog Cup ngayong Miyerkules (Enero 18) sa Cebu City Sports Institute.
Apat na club mula sa lahat ng sulok ng Visayas at apat na varsity ng paaralan ang magsasagupa upang matukoy kung sino ang kampeon kasabay ng taunang selebrasyon ng Sinulog sa Queen City of the South.
Nabunot sa Grupo A ang United Negros Basketball League Stars ng Bacolod City, K&L Marketing ng Naga City, University of Cebu Webmasters at University of Southern Philippines Foundation Panthers. Ang Grupo B ay binubuo ng DH25 Rock Uniform Solutions ng Cebu City, EGS-Aneda Builders ng Sogod, Southern Leyte, Benedicto College-Lakawan, Tacloban at University of San Carlos Warriors.
Matapos ang unang araw, ang mga nalalabing laro hanggang finals ay gaganapin sa Cebu Coliseum. Maglalaro ng single round robin ang mga grupo o tig-tatlong laro at ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa crossover knockout semifinals sa Enero 22 (Linggo).
Ang mga magwawagi ay maglalaro agad para sa kampeonato at P150,000 sa Enero 23 (Lunes). Bibigyan ng P75,000 ang pangalawa at P50,000 para sa pangatlo.
Maliban sa kampeonato, ang mga mahuhusay na manlalaro ay iimbitahin para maging bahagi ng mga koponan ng Chooks na lalahok sa mga pandaigdigang palaro ng 3x3 ngayong taon. Ito ay bahagi ng mas malaking layunin na makapasok ang Pilipinas sa Paris 2024 Olympics.
Ang numero unong manlalaro ng 3x3 ng bansa na si Mark Jayven Tallo ay isang Cebuano pati na rin ang mga naging kakampi niyang sina Zachary Huang at Dave Ando. Si Mike Harry Nzeusseu ay unang nag-aral sa University of the Visayas bago lumipat ng Lyceum of the Philippines University.





Comments