ni Twincle Esquierdo | December 12, 2020
Pansamantalang itinigil ng bansang Peru ang kanilang clinical trials ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese drug giant company na Sinopharm matapos makitaan ng negatibong epekto ang isa sa kanilang mga volunteers.
Nahirapan umanong igalaw ng volunteer ang kanyang mga braso, ayon sa National Institute of Health nitong Biyernes.
Ayon sa researcher na si German Malaga, nagkaroon ng neurological symptoms o tinatawag na Guillain-Barre syndrome ang kanilang volunteer.
Aniya, "Several days ago we signaled, as we are required, to the regulatory authorities that one of our participants presented neurological symptoms which could correspond to a condition called Guillain-Barre syndrome."
Ang Guillain-Barre syndrome, ay bihirang sakit at hindi nakahahawa ngunit nakaaapekto ito sa paggalaw ng mga braso at binti kaya nagdeklara ang Peru ng temporary health emergency sa limang regions noong Hunyo ng nakaraang taon kasunod ng maraming kaso.
Umabot na rin sa 60,000 ang naturukan ng Sinopharm vaccine mula sa mga bansang Argentina, Russia at Saudi Arabia.
Ayon pa sa Peru, kung magiging matagumpay ang bakunang ito, asahan na bibili ang Peruvian government ng halos 20 milyong doses.
Samantala, ang Peru ang isa sa may pinakamaraming bilang ng mga namatay mula sa Covid-19 na umabot na sa 36,499 nitong Biyernes.
Comments