ni Angela Fernando @News | June 2, 2024
Pinahaba ng mga kasaping bansa ng World Health Organization nu'ng Sabado ang mga negosasyon tungkol sa isang pandaigdigang kasunduan sa paghawak ng mga haharaping pandemya sa mga susunod, habang binalaan ng namamahala ng WHO na ang susunod na krisis ay maaaring mangyari sa anumang oras.
Matatandaang dalawang taong pag-uusap tungkol sa nasabing kasunduan ang nagtapos nu'ng Mayo 24 nang walang pinal na napagkasunduan.
Ang naging pangunahing dahilan ng kawalan ng kasunduan ay ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga mayayamang bansa at ng mga bansang nakaramdam ng kapabayaan nu'ng pandemya ng COVID-19.
Ang huling araw ng isang linggong World Health Assembly (WHA), na taunang pagpupulong ng 194 na mga bansang kasapi sa WHO para sa paggawa ng mga desisyon ay nagbigay ng palugit hanggang sa susunod na pagpupulong sa isang taon upang makabuo ng kasunduan.