top of page

Paglipat sa e-cigarettes maaaring magpababa ng panganib para sa mga pasyenteng sumailalim sa operasyon sa puso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 38 minutes ago
  • 2 min read

ni Chit Luna @News | March 12, 2026



Medical research tobacco Laboratory Vape

File photo



Ipinakita ng isang malawak na pag-aaral sa South Korea na inilathala sa European Heart Journal na ang tuluyang paglipat sa electronic cigarettes (e-cigarettes) ay maaaring magdulot ng mas mababang panganib sa mga pasyenteng sumailalim sa operasyon sa puso.


Ito ay kumpara sa mga pasyenteng patuloy na gumagamit ng tradisyunal na sigarilyo matapos sumailalim sa isang major heart procedure.


Sa pag-aaral na pinamagatang "Prognosis after switching to electronic cigarettes following percutaneous coronary intervention," natuklasan na mas mababa ang posibilidad ng major adverse cardiovascular events (MACE) sa mga naninigarilyo na tuluyang lumipat sa e-cigarettes kumpara sa mga hindi tumigil sa paggamit ng tradisyunal na sigarilyo.


Ang naturang pag-aaral ay pinangunahan ni Danbee Kang ng Samsung Medical Center at Sungkyunkwan University. Nakatuon ito sa mga pasyenteng may coronary artery disease (CAD) na sumailalim sa percutaneous coronary intervention (PCI), isang procedure na ginagawa upang mabuksan ang mga baradong ugat sa puso.


Sinuri ng mga mananaliksik ang isang nationwide cohort upang matukoy kung paano nakaapekto ang mga pagbabago sa smoking habits matapos ang operasyon sa pangmatagalang kalagayan ng kalusugan ng mga pasyente.


Batay sa kanilang resulta, ang pagbawas sa panganib ng cardiovascular events sa mga lumipat sa vaping ay halos kapantay ng mga pasyenteng tuluyang tumigil sa paninigarilyo.


Ipinakita rin ng pag-aaral na mas ligtas ang mga "full switchers" o ang tuluyang tumigil sa paggamit ng sigarilyo kumpara sa mga gumagamit ng parehong vape at tradisyunal na sigarilyo.


Napag-alaman din na bumubuti ang endothelial function—ang kalusugan ng lining ng mga ugat—kapag naalis ang paglanghap ng usok na naglalaman ng tar at carbon monoxide.


Bagama’t iginiit ng European Society of Cardiology (ESC) na ang "gold standard" ay ang ganap na pagtigil sa anumang produktong may nicotine, kinilala ng mga Korean researchers ang praktikal na hamon na kinahaharap ng maraming pasyente.


Ayon sa grupo, ang pinakamainam pa rin ay ang tuluyang paghinto sa paggamit ng nicotine. Gayunpaman, kung hindi ito agad magagawa, mas mabuting opsyon ang paglipat sa e-cigarettes.


Ipinakita rin sa pag-aaral na halos 60 porsiyento ng mga pasyente ang nahihirapang tuluyang tumigil sa paninigarilyo kahit na nakaranas na sila ng seryosong heart attack o sumailalim sa operasyon sa puso.


Dahil dito, nakikita ang paglipat sa vaping bilang isang "viable alternative" o pansamantalang hakbang upang mabawasan ang posibilidad ng panibagong atake sa puso.


Ang e-cigarettes ay kabilang sa mga tinatawag na tobacco harm reduction (THR) products, kasama ang heated tobacco at nicotine pouches, na idinisenyo upang mabawasan ang pinsala sa kalusugan sa pamamagitan ng pag-aalis ng usok na nagmumula sa pagsusunog ng tabako.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page