top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Sino sa mga kandidato ang maglalakbay kasama ang maralitang taga-lungsod?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 19, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 19, 2021



Matagal na tayong sumasama sa iba’t ibang grupo ng maralitang taga-lungsod sa kanilang pakikibaka para sa pabahay. Nagsimula ito noong inilagay tayo ni Jaime Cardinal Sin sa Parokya ng Birhen ng Medalya Milagrosa sa Project 4 noong 2003.


Doon natin nakilala si Denis Murphy at mula noong 1987 hanggang ngayon, inilulunsad ng Urban Poor Associates, grupong itinatag ni Denis ang Panunuluyan ng Maralitang Taga-lungsod.


Ilang taon na nating sinasamahan at minamasahan ang panunuluyan ng maralitang taga-lungsod.


Mula 2003 hanggang ngayon, sa ilalim ng tatlong pangulo, mula kay ex-P-GMA hanggang kay ex-P-Noy at P-Digong, malaki ang natutunan natin sa paglalakbay kasama ang maralitang taga-lungsod.


Noong Miyerkules, ika-15 ng Marso, muli tayong naglakbay kasama ng mga maralitang taga-lungsod mula sa tanggapan ni VP Leni Robredo hanggang sa Immaculate Conception Cathedral ng Cubao. Bagama’t hindi na natin sila nasamahan sa kanilang paglalakad, ipinagdiwang natin ang misa para sa kanila at para sa kandidatura ni VP Leni.


Punung-puno ng rosas na parol ang E. Rodriguez. Sa unahan ng maliliit na parol, makikitang lulan ng pick-up ang higanteng rosas na parol. Masaya at masiglang naglalakad ang mga maralitang taga-lungsod galing sa iba’t ibang sulok ng Metro Manila at karatig pook.


Paano kaya magkakasiya ang humigit kumulang 2, 000 naglakad para kay VP Leni? Nang simulan natin ang misa, napayagang pumasok ang 250 tao. Mabuti na lang at malakas ang “sound system” ng simbahan at merong trompa sa labas ng katedral.


Malinaw ang mensahe natin sa omeliya. Kung hindi basta pinangaralan ni Juan Bautista ang kanyang mga disipulo tungkol kay HesuKristo at inobliga nitong hanapan ng kanyang mga alagad si Hesus upang itanong ito kung, “Siya nga ang kanilang hinihintay at kung hindi hahanapin na lang nila ang dapat nilang hintayin?” Hindi sumagot si Hesus.


Ito ay nagkuwento tungkol sa kanyang misyon: “Nakapaglalakad ang mga lumpo; nakaririnig ang mga bingi; nakakakita ang mga bulag; nabubuhay ang mga patay; lumalayas ang masasamang espiritu sa katawan na kanilang inaalihan.” Sa salita ni Hesus lumapat ang kanyang salita sa kanyang gawa. At nakita ng mga disipulo kay Hesus ang kanyang karangalan at kabanalan.


Ginamit ko ang naturang pagbasa upang himukin ang mga nakikinig na huwag maniwala at basta tanggapin ang sabi-sabi. Tulad ni Juan at ng kanyang mga disipulo — tingnan, pakinggan, suriin at usisain ang iba’t ibang kandidato. Hanapin natin kung sino sa kandidato ang hindi nagkakalat ng sabi-sabi upang hindi makita ang anumang itinatago, ikinukubli at iniiwasang matuklasan ng mga boboto.


Mismo sa mga bibig ng maralitang taga-lungsod na na-interview, “Sa nagdaang limang taon, si VP Leni lamang ang sumama, sumabay at sinuportahan ang adbokasiya ng maralitang taga-lungsod. Siya lamang ang naramdaman nilang lider na nais silang tulungan at samahan sa kanilang iba’t ibang ipinaglalaban. Tahimik itong ginawa ni VP Leni kahit halos walang suporta ito mula sa Malacañang, dahil hindi “type” ng Pangulo tulungan ang babaeng, tulad ni VP Leni.


Sumuporta at nagsikap si Leni na maglakbay kasama ng maralitang taga-lungsod sa lahat ng nagdaang taon.


Sa ating omeliya, malinaw ang pagsuporta natin sa kanya. Sa interview natin sa media, malinaw nating sinabi na, “Si Leni lang ang bukod tanging “moral choice.” Dapat lang siyang suportahan ng Simbahang-Katolika at anumang simbahang nais umahon sa paulit-ulit na istorya ng pulitika ng mga trapo. Kung hindi siya susuportahan, maaaring manalo ang kandidatong walang totoong intensiyon na tulungan ang maralitang taga-lungsod na umunlad at lumaya sa kanilang paulit-ulit na kondisyon. At kung mangyayari ito, merong sagutin ang mga cardinal, obispo, pari at ang mga kaagapay nitong layko.


Baka lumabas na ang ilan sa atin ay hindi handa at baka ayaw pang lumantad at suportahan ang moral at marangal na kandidato… na si VP Leni.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page