Sino ang mananaig, Army o AirForce sa Copa Cup?
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 15, 2023

Mga laro ngayon – Rizal Memorial Stadium
4:00 p.m. Don Bosco-Garelli vs. Air Force
6:30 p.m. Tuloy vs. Army
Sisipa ngayong Sabado ang 2023 Copa Paulino Alcantara sa Rizal Memorial Stadium sa tapatan ng Don Bosco-Garelli kontra Philippine Air Force sa 4:00 ng hapon. Susundan ito ng salpukan ng Tuloy FC at Philippine Army sa 6:30 ng gabi.
Kabuuang 17 koponan ang lumahok ngayong taon at mabibigyan ng pagkakataon ang mga amateur, mga varsity ng paaralan at mga sundalo na sukatin ang kanilang husay laban sa mga professional ng Philippines Football League (PFL). Ibinahagi ang mga koponan sa tatlong grupo at ang mga magtatapos ng una at pangalawa kasama ang dalawang may pinakamataas na kartada sa mga pangatlo ang magbubuo ng walo na tutuloy sa playoffs.
Ang Don Bosco-Garelli at Air Force ay nasa malupit na Grupo A kasama ang 2023 PFL champion Kaya FC Iloilo, UAAP Season 85 champion Far Eastern University, Loyola FC at Club de Futbol Manila. Binubuo ang Grupo B ng Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika Manila FC ng PFL, Pilipinas Dragons, Manila Digger at University of the Philippines.
Ang Tuloy at Army ay nabunot sa Grupo C kasama ang Stallion Laguna FC at Mendiola FC 1991 ng PFL, Davao Aguilas-University of Makati at Adamson University. Lahat ng laro ay gaganapin tuwing Sabado at Linggo at iikot ang torneo sa Rizal Memorial, UMak at Binan Stadium.
Ang kampeon ang magiging kinatawan ng bansa sa 2024-2025 AFC Cup. Ang torneo ay parangal at pagkilala sa alamat na si Paulino Alcantara, ang tubong-Iloilo na naging bituin ng FC Barcelona sa Espanya mahigit isang siglo na ang nakalipas.





Comments