Sino ang maaaring maging voluntary members ng SSS?
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 10, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang asawa ko ay nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng negosyo ng kanyang dating amo. Nabigyan naman siya ng angkop na separation pay kaya kahit papaano ay nakakaraos kami kahit ako na lamang ang nagtatrabaho para sa aming pamilya. Nais sana niyang ituloy pa rin ang kanyang SSS para makatanggap pa rin siya ng benepisyo kung saka-sakali, ngunit hindi namin alam kung maaari ba ito dahil wala naman na siyang trabaho, nasa bahay na lamang siya, at nag-aalaga ng aming nag-iisang anak. May posibilidad ba? – Ramil
Dear Ramil,
Mayroong dalawang kategorya ng pagiging saklaw na miyembro ng Social Security System o SSS upang makatanggap pa rin ng karampatang benepisyo, ito ay ang compulsory members at voluntary members. Kabilang sa mga compulsory members ay pribadong employers, pribadong employees, self-employed, kasambahay at covered overseas Filipino workers o OFWs. Kabilang naman sa mga voluntary members ay hindi nagtatrabahong asawa, separated members, OFWs na nawalan ng trabaho at mga self-employed na nawalan ng kita.
Sa sitwasyong nabanggit mo, mayroong posibilidad na ipagpatuloy ng iyong asawa ang pagiging miyembro niya sa SSS sa ilalim ng kategorya ng voluntary members kung siya ay magkakuwalipika bilang non-working spouse o separated employee. Para sa inyong kaalaman at kaliwanagan, partikular na nakasaad sa Sections 9 at 11 ng Republic Act (R. A.) No. 11199, o mas kilala bilang “Social Security Act of 2018” ang sumusunod:
“SEC. 9. Coverage. – x x x
(b) Spouses who devote full time to managing the household and family affairs, unless they are also engaged in other vocation or employment which is subject to mandatory coverage, may be covered by the SSS on a voluntary basis.
SEC. 11. Effect of Separation from Employment. – When an employee under compulsory coverage is separated from employment, his employer’s contribution on his account and his obligation to pay contributions arising from that employment shall cease at the end of the month of separation, but said employee shall be credited with all contributions paid on his behalf and entitled to benefits according to the provisions of this Act. He may, however, continue to pay the total contributions to maintain his right to full benefit.”
Magiging mainam na makipag-ugnayan kayo ng iyong asawa sa pinakamalapit sa inyo na sangay ng SSS o bumisita sa website ng SSS, www.sss.gov.ph, upang malaman ang mga partikular na rekisitos na kailangang isumite at makapagparehistro siya sa angkop na uri ng SSS voluntary membership nang sa gayun ay maipagpatuloy niya ang paghuhulog ng kanyang mga kontribusyon at maka-avail ng angkop na benepisyo mula sa naturang ahensiya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments