top of page
Search
  • BULGAR

Sinisante ang coach ng T'wolves; Kabayang Clarkson, astigin

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 24, 2021





Patuloy ang pagpapamalas ng determinasyon na mag-uwi ng tropeo ngayong 2020-2021 NBA si kabayang Jordan Clarkson at malaking papel ang kanyang ginampanan sa 132-110 tagumpay ng kanyang numero unong Utah Jazz sa bisitang Charlotte Hornets kahapon sa Vivint Arena. Kung mananatili ang porma ng Jazz, ito ang magiging pinakamatagumpay nilang kampanya sa 47 taong kasaysayan ng koponan.


Si Clarkson ang nangunguna sa 20 puntos bago siya pinaupo at hindi na ipinasok ni Coach Quin Snyder na may 4:22 nalalabi at lamang ang Jazz, 116-102. Mula roon ay nilampasan siya ng mga kakamping sina Donovan Mitchell na may 23 at Joe Ingles at Georges Niang na parehong may 21 para sa kartadang 25-6 panalo-talo.


Samantala, sinisante ng kulelat na Minnesota Timberwolves si Coach Ryan Saunders matapos ang ika-24 na talo sa 31 na laro noong isang araw sa kamay ng New York Knicks. Pinalitan siya ni Coach Chris Finch na assistant coach ng Toronto Raptors at magsisimula siya agad sa pagbisita ng Timberwolves sa Milwaukee Bucks (18-13).


Bumida sina Bradley Beal at Russell Westbrook para gulatin ng Washington Wizards (11-17) ang defending champion Los Angeles Lakers sa OT, 127-124, para sa kanilang ika-5 sunod na tagumpay. Nagtapos na may 33 puntos si Beal habang 32 si Westbrook upang ipatikim sa Lakers (22-10) ang ikatlong sunod na talo sa Staples Center.


Binigo ng bisitang Chicago Bulls ang kinalawang na Houston Rockets, 120-100. Nagsabog ng 24 puntos si Coby White habang may 21 si Zach LaVine. Sa pagbuti ng panahon sa buong estado ng Texas dahil sa pagbagsak ng makapal na niyebe ay natuloy rin ang laro at iniligpit ng Dallas Mavericks ang bisitang Memphis Grizzlies, 102-92. Nanguna si Tim Hardaway Jr. na may 29 puntos.


Tinambakan ng Phoenix Suns ang Portland Trail Blazers, 132-100, at bawasan ang kinang ng pagtanghal kay Damian Lillard bilang Player of the Week. Uminit si Devin Booker para sa 34 puntos.


Hindi nagpahuli ang Miami Heat ni kabayan Coach Erik Spoelstra at binigo nila ang Oklahoma City, 108-94. Tumira ng anim na tres si Duncan Robinson bilang bahagi ng kanyang 22 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page