Singapore, nileksiyunan ang Azkals sa AFF Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 10, 2021

Pinagbayaran ng Philippine Azkals ang saglit na pagluwag ng depensa at nakamit ng punong abala Singapore ang pinaghirapang 2-1 panalo sa 2020 AFF Suzuki Cup Miyerkules ng gabi mula sa National Stadium. Dalawang mabilis na goal sa second half ang kinailangan ng Singapore na makuha ang kanilang ikalawang sunod na tagumpay at solong liderato sa Grupo A.
Walang goal sa first half hanggang inulo ni kapitan Hariss Harun ang bola galing sa corner kick ni Safuwan Baharudin sa ika-61 minuto. Dalawang minuto lang ang lumipas ay naagaw ni Zulqaraen Suzliman ang bola ang tinakbo niya ito bago ipasa kay Faris Ramli para ma-doble ang kanilang lamang.
Hindi basta sumuko ang Azkals at naka-goal si Amin Nazari galing sa corner kick ni Kevin Ingreso sa ika-69 minuto. Biglang nag-iba ang timpla ng laro at isa-isa ipinasok sina Angel Guirado, Mike Ott at Oskari Kekkonen upang palitan sina Ingreso, Oliver Bias at Bienvenido Maranon subalit hindi nahanap ang inaasam na goal.
Maaga pa lang ay mainit na ang mata ng reperi at pinatawan ng magkasunod yellow card sina Amani Aguinaldo at Stephan Schrock sa ika-20 at ika-22 minuto bunga ng mga malakas na foul. Dahil dito, nag-ingat ang dalawa upang maiwasan ang isa pang card at mapalabas sa laro.
Nanghinayang si Azkals Coach Stewart Hall at itinuro niya ang tatlong minuto sa second half na sumira sa 87 minuto na kanilang pinaghirapan. Subalit pinuri pa rin niya ang mga manlalaro para sa kanilang nag-iisang goal.





Comments