Sinas, nagka-COVID na, binatikos pa ng netizens
- BULGAR

- Mar 15, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 15, 2021
MAPA-NCRPO CHIEF AT PNP CHIEF, GEN. SINAS PASAWAY SA HEALTH PROTOCOL—Imbes na kaawaan nang magka-COVID-19 ay batikos inabot sa publiko ni PNP Chief Gen. Debold Sinas kasi lumabag na naman siya sa health protocol nang magtungo sa Oriental Mindoro kahit hindi pa lumalabas resulta ng kanyang swab test, na kalaunan ay nalamang positibo siya sa virus.
Dahil sa ginawang 'yan ni Gen. Sinas, takot ngayon ang umiiral sa mga nakasalamuha niya na baka sila ay nahawaan ng COVID-19 ng PNP chief.
Pasaway talaga si Gen. Sinas, kasi noong NCRPO (National Capital Regional Police Office) director pa siya, nilabag din niya ang health protocol nang magdaos ng kanyang birthday party last year.
At ewan ba naman natin kung bakit sa dinami-rami ng heneral sa PNP ay ito pang chubby at pasaway na heneral ang pinili ni P-Duterte na maging PNP chief, buwisit!
◘◘◘
SA DALAWANG ARAW LANG NAPABANGO NI GEN. ELEAZAR ANG IMAHE NG PNP, KAYA LANG BAKA BUMANTOT ULIT DAHIL KAY GEN. SINAS—Dahil nagka-virus si Gen. Sinas, ang OIC (officer-in-charge) ngayon ng PNP ay si Deputy chief for administration Gen. Guillermo Eleazar, at sa loob lang ng dalawang araw na pamumuno ay napabango agad niya sa publiko ang PNP nang sibakin si Cabayog City Intelligence chief, P/Lt. Fernando Calabria, Jr. na tila nananakot sa panghihingi sa korte ng pangalan ng mga abogado ng mga aktibista at komunista at pagsibak din kay Calbayog police chief Lt. Col. Niel Montano sa command responsibility sa pag-ambush ng mga parak kay Mayor Ronaldo Aquino.
At dahil pansamantala lang pamumuno ni Gen. Eleazar, asahan nang babantot ulit ang PNP sa pagbabalik sa puwesto ng pasaway na si Gen. Sinas, boom!
◘◘◘
BAKA DAHIL SA KALENDARYO MAGING PNP CHIEF SI GEN. DANAO AT MA-BYPASS ANG MGA HENERAL SA PMA CLASS '87, '88, '89 AT '90—May nag-post sa social media ng kalendaryo ng NCRPO na may larawan ni Gen. Vicente Danao, kasama sina P-Duterte, Mayor Sara Duterte-Carpio at Sen. Bong Go.
Naku, baka dahil lang sa kalendaryong 'yan ay kapag nagretiro na si Gen. Sinas ay maging PNP chief si Gen. Danao na mula sa PMA class '91, at ma-bypass ang mga heneral mula sa PMA Class '87, '88, '89 at '90, period !
◘◘◘
HINDI LANG SI EFREN 'BATA' REYES, SANA PATI ANG MGA JUETENG LORDS SA LAGUNA AY HULIHIN DIN—Kasama sa hinuli ng Laguna PNP si biliiard icon Efren "Bata" Reyes sa mga naglalaro ng bilyar sa San Pedro (Laguna) kasi nilalabag daw ng mga ito ang social distancing.
Tama lang na dakpin kung lumalabag sa health protocol, pero ang nakapagtataka kay Laguna PNP director Col. Serafin Petalio ay hindi nito ipinahuhuli ang mga jueteng lords na sina "Ibora," "Toce" at "Alvarez" kasi ang mga kubrador nila ay lumalabag din sa health protocol dahil nagbabahay-bahay ang mga ito para magpataya ng jueteng, buwisit!





Comments