top of page

Sina Maris at Barbie naman ang kalaban… ANGELICA, TAGILID PA RIN SA BEST ACTRESS AWARD

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 15
  • 2 min read

ni Rohn Romulo @Run Wild | February 15, 2026



Angelica Panganiban - Instagram

Photo: Angelica Panganiban - Instagram



Sa diwa ng pagpapalakas ng makabuluhang koneksiyon sa buong creative industry, buong-pagmamalaking ini-reveal ang official nominees' para sa NDM+ Acting Awards 2026.


Naninindigan ang NDM+ Acting Awards 2026 bilang pagpupugay sa mga artista na ang talento, disiplina at hindi natitinag na dedikasyon ay nagpapataas ng pagkukuwento sa pinakamataas nitong anyo.


Ang bawat nominado ay kumakatawan hindi lamang sa kahusayan sa pag-arte kundi sa malalim na pangako sa pagbabagong wika ng entablado at pinilakang tabing.

Anim ang nominado sa Best Actress category: Angelica Panganiban (Unmarry), Jennylyn Mercado (Everything About My Wife), Glaiza de Castro (Sinagtala), Barbie Forteza (P77), Morissette Amon (Song of the Fireflies), at Maris Racal (Sunshine).

Matindi ang labanan sa Best Actress. Makalusot na kaya this time si Angelica lalo pa’t maraming pumuri sa performances nina Barbie at Maris na sinasabing maghahakot ng mga awards this year?


Sa Best Actor naman, pawang mahuhusay at award-winning din ang mga magtutunggali: JC Santos (Journeyman), JM de Guzman (Lasting Moments), Jericho Rosales (Quezon), Baron Geisler (The Delivery Rider), Richard Gomez (Salvageland), at Zanjoe Marudo (Unmarry).


Sino kaya sa kanila ang makakapag-uwi ng tropeo? Nakatutuwa rin na sa pagbabalik-pelikula ni Richard ‘Goma’ Gomez ay na-nominate siya, patunay na hindi pa rin siya kinakalawang bilang aktor.


Ilan pa sa mga paglalabanang awards ay para sa Best Supporting Actress at Actor at Best Breakthrough Acting Performance.


Ang NDM+ Acting Awards 2026 ang unang magbibigay ng awards para sa natatanging pagganap sa nagdaang taon. Magaganap ang NFE Gala Awards Night sa February 17, 6 PM, sa Artson Event Gala Hall sa A. Roces Ave., Quezon City.



NATUWA at namangha kami nang masilayan ang pag-iilaw ng mga piling kalye at landmarks sa Binondo, Manila sa imbitasyon ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).


Sumasagisag ito sa mahaba at kahanga-hangang paglalakbay ng distrito mula sa pagkakatatag nito noong 1594, ang pinakamatandang Chinatown sa mundo at makasaysayang sentro ng kalakalan at pagpapalitan ng kultura, hanggang sa kasalukuyang tungkulin nito bilang protektado ngunit makulay na distritong pamanang nasa gitna ng Maynila.


Ang Phase 1 ng Chinatown Revitalization Project: Lighting of the Jones Bridge ay nakakuha ng inspirasyon mula sa momentum at vision ng Pasig River Bigyang Buhay Muli Project na nagpakita kung paano nagagawa ng heritage restoration ang urban renewal at civic pride.


Ang Phase 2 naman ay naglalayong bigyang-liwanag at parangalan ang higit sa apat na siglo ng kasaysayan ng Filipino-Chinese, katatagan, at kontribusyon sa komersiyal at kultural na buhay ng bansa.


Ang mga key areas na inilawan ay ang La Madre Filipina o Four Mother Pillars na matatagpuan sa magkabilang dulo ng Jones Bridge, MacArthur Bridge na kitang-kita sa Yuchengco Plaza, Sta. Cruz Church, at ang Four Gates: Qing Shan Gate o Arch of Goodwill, Ongpin South Gate, Ongpin North Gate, at Tuan Jie Gate o Arch of Solidarity.


Kasama rin ang hologram lights sa Quintin Paredes St., Ongpin St., at Sabino Padilla St., at projection mapping sa Binondo Church.


Matutunghayan ito gabi-gabi at sakto sa pagdiriwang ng Year of the Fire Horse sa February 17 kaya dayuhin na.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page