Simula na ang bakbakan ng mga astig sa PBA
ni GA - @Sports | June 5, 2022

Masusubukan ngayong araw kung tunay ngang malakas ang signal ng bagong koponan na Converge FiberXers na magdedebut kontra sa makulay na Rain or Shine E-Painters, habang masasaksihan ang last year finals match-up ng Magnolia Timplados Hotshots at TNT Tropang Giga sa pagbabalik ng bakbakan sa 47th PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ngunit bago tuluyang buksan ang telon sa opisyal na pagratsada ng mga laro ay paparangalan muna ang mga pinakamahuhusay na manlalaro ng nakalipas na dalawang komperensiya sa 46th LEO Awards ng 2 p.m.
Aalamin kung sino ang gagawaran ng season MVP na pagpipilian kina Calvin Abueva ng Magnolia, Scottie Thompson ng Brgy.Ginebra, Robert Bolick ng Northport Batang Pier, at Rookie of the Year leading contender Mikey Williams ng TNT. Pipiliin din ang ROY, Most Improve Player, Defensive Player of the Year, Mythical team at All Defensive Team selection.
Pormal na sisimulan ng FiberXers, dating Alaska Aces, ang kampanya kontra E-Painters ng 4:30 p.m. habang susundan ng 2021 PHL Cup rematch ng Magnolia Hotshots at TNT sa main game ng 6 p.m.
Ipaparada ng FiberXers ang rookies na sina 3rd overall pick Jeo Ambohot, 4th pick Justin Arana at Kurt Lojera, habang isasalang na sina Shaun Ildefonso at Gian Mamuyac para sa E-Painters.
Sa unang pagkakataon ay magkakaharap ang dalawang Ildefonso sa PBA, sa panig ng Converge si dating MVP at All-Star at ngayo’y assistant coach na si Danny Ildefonso at ang anak na si Shaun na lalaro sa Rain or Shine. “Actually, pag nasa bahay ako, minsan sinasabi ko sa kanya 1-0, 1-0,” wika ng batang Ildefonso. “It's really a lifelong dream of mine to play in the PBA, and coincidence siya (Danny I) yung makakalaban namin on opening day.”
Mula naman sa rookie ay tila pareho ring excited ang beteranong si Abueva na sa unang pagkakataon din ay maglalaro ng opening game.
Mga laro ngayon (Linggo) (Smart Araneta Coliseum) 2:00 n.h. – Leo Awards 4:30 n.h. – Converge FiberXers vs Rain or Shine Elasto Painters 6:30 n.g. – Magnolia Timplados Hotshots vs TNT Tropang Giga.





Comments